Palakpakan at hiyawan ang iginawad ng mga kabataan nang inanunsiyo ni incumbent City Mayor Lucilo Bayron na lalagyan ng malakas na wifi ang rotondang gagawin sa Junction 1 bilang bahagi ng pagpapalakas pa sa inilunsad na “Tourism Mile” sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ang impormasyon ay bilang bahagi ng talumpati ni Bayron sa taunang ‘Light a Tree’ Program noong unang araw ng Disyembre na naghudyat sa pagbubukas ng Kapistahan at isang buwang aktibidad sa lungsod para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
“Ito ay lalagyan natin ng malakas na wifi—”ani Bayron na hindi na agad nabanggit ang karugtong na mga kataga dahil naghiyawan at nagpalakpakan na ang mga naroroon na karamihan ay mga kabataan. “…[P]ara ang mga bisita natin dito ay makapagpadala ng [mga pictures] sa Instagram. Biglang sisikat ang lungsod ng Puerto Princesa dahil dito,” at nagpalakpakang muli ang madla.
Di maikakailang naging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang social media at teknolohiya, partikular ng mga millennials, lalong-lalo na ng mga tinaguriang digital natives o ang mga taong isinilang 20 taon na ang nakalilipas pababa.
Ipinabatid din ni Mayor Bayron na maglalagay din sa rotunda ng 3D na iba’t ibang hayop na makikita sa Palawan gaya ng Balintong, Bearcat, Buwaya, Baboy-damo, Bayawak, Sawa, at iba pa.
Sa taas naman ng rotunda ay may makikitang istatwa ng pamilyang Batak na hunter na may hawak na blowgun o supok. Mayroon din umanon mga katagang Puerto Princesa City. Iikot din aniya nang dahan-dahan ang inaapakan ng mga istatwa habang nakalagay naman sa bato ang geotag ng lugar—ang longitude at latitude nito kaya kahit nasaang lugar man sa mundo, kapag igo-google ay agad nang makikita ang rotunda sa Tourism Mile.
Ang bagong plano na pagsasaayos sa nasabing istruktura ay kasama sa mga proyektong pangturismo ng lungsod na kinatha upang makahikayat sa marami pang mga turista at makaengganyo sa kanila na tumagal pa sa lungsod ng ilang araw.
Nakapaloob din sa Tourism Mile sa mahigit tatlong kilometrong kahabaan ng Junction 1 Rizal Avenue hanggang sa Canigaran ay ang pagtutok sa pag-develop sa “Evening Economy” ng Puerto Princesa sapagkat napag-alaman umano ng Punong Lungsod na pagkatapos maghapunan ng mga bisita ay natutulog na lamang sapagkat wala silang halos napupuntahan pagsapit ng gabi.
“Kaya dapat gising sila [at di agad natutulog sa gabi kaya naisip itong Tourism Mile,” ani Bayron.
Sa inihaing City Ordinance No. 919 ng City Council ay nakasaad na magbibigay ng insentibo ang lokal na pamahalaan sa lahat ng tourism-related establishments na magtatayo ng negosyo sa lugar. Muli niyang ipinabatid na magiging libre na ang kanilang local taxes sa loob ng limang taon habang sa ikapitong taon naman ay 75 percent free, sa pangwalong taon ay 50 percent free at kapag mahigit sa P3 milyon ang kanilang nagastos ay 25 per cent free ang kanilang makukuha pagsapit ng ikasiyam na taon.
Ang mga inaanyayahang mga establisyimento ay restaurants, money changers, resto bar, convenient stores, at iba pa. Hinihikayat din ni Mayor Bayron ang mga busker kagaya na lamang umano ng nakaparaming magagaling na mang-aawit sa siyudad at idinagdag na baka ito na ang maging daan upang madiskubre sila at maging recording artist.
Buwan-buwan ay magkakaroon din ng umano ng iba’t ibang selebrasyon. Inihalimbawa niya na kapag buwan ng mga Italyano ay magkakaroon ng “Italian Month,” ganoondin kapag German Month, Hawaiian Month at iba pa. Ito umano ay hindi lamang sumaglit ang mga turista kundi babalik sila buwan-buwan.
Sa cross section naman ng kalsada sa Tourism Miles, ipinakita ng Punong Lungsod na magiging 22.7 metro na ang lapad nito. Mayroon itong tatlong metrong sidewalk, isang metro para sa mga punong kahoy habang dalawang metro naman sa bike lane na matagal na ring nasa probisyon ng Revenue Code ng City Government at hindi lamang naipatutupad.
Kung sakali umanong maging matagumpay ang proyekto ay ie-extend ito ng LGU hanggang sa Abrea Road.
Samantala, sa natitirang mahigit dalawa at kalahating taon ni Bayron sa panunungkulan, hiniling niya sa mga tagalungsod na magkaisa sa mga parangap at tatahaking direksyon para sa lungsod ng Puerto Princesa.
Discussion about this post