Hinihiling ngayon sa Puerto Princesa City Council na ma-upgrade ang firefighting capability ng lungsod. Ito ay matapos mahirapan ang mga bumbero sa lungsod na apulahin ang naganap na sunog noong Miyerkules Santo sa Purok Mapagmahal, Barangay San Jose.
Ayon kay Kgd. Matthew Mendoza, naibahagi sa kanya ng pamunuan ng City Fire Department na nahirapan ang mga firefighter na patayin ang apoy mula sa isa sa dalawang nasusunog na establisiyemento dahil ang nasusunog ay tindahan ng mga goma.
Ito aniya ang dahilan kaya nararapat na rin na mag-invest ang Puerto Princesa City Government na bumili ng Aqueous Film-Forming Foam Concentrate (AFFF) at chemical truck para rito.
“So, ngayon, bilang recommendation na rin ng isa sa mga firemen sa akin, sabi niya, dapat mayroon na ang City ng AFFF—ito po ‘yong ginagamit sa airport. Pangpatay po ito ng mga apoy na sanhi po ng mga gasolina, ng mga oil-based—pintura, thinner, [etc],” sa hiwalay na panayam ng media kay Mendoza matapos ang kanilang sesyon kahapon .
Paliwanag niya, “Ito ay parang foam—kapag ibuga mo ito sa apoy, binabalot nito ng foam ang apoy at nawawalan ng oxygen kaya namamatay [ang apoy],” aniya.
Kung ordinaryong tubig lamang umano ang ibubuga sa ganoong mga uri ng apoy ay kakalat lamang ito lalo at mas lalaki lamang ang sunog. Inihalimbawa niya ang kapag nag-apoy ang gasolina o diesel na kakalat lang kapag binuhusan ng tubig upang apulahin.
“Ito po ‘yong dahilan kaya nag-request tayo sa ating City Mayor na i-equip natin ‘yong City Government ng ganito [lalo’t higit], marami ng mga gasoline stations dito. Marami na ring negosyo na [nagbebenta] gaya ng mga gulong, pintura at marami po tayong [binibenta ring] fuel dito [sa siyudad]—malaking-malaking maitutulong nito sa ganoong uri ng mga chemical na oil-based fuel, diesel , paint at mga gulong [kung maging sanhi ng sunog],” paliwanag pa ng konsehal.
Sa kanyang pagkakatanda pa umano, simula nang siya’y ipinanganak at nanirahan sa lungsod ay halos ngayon lamang niya narinig ang uri ng sunog na mahirap apulahin dahil sa tindahan ng mga gulong ang nasusunog.
“Kung ‘yong sanhi ng apoy na ordinary combustible materials lang gaya ng kahoy, hotel o mga light materials ay kayang-kaya ang apoy—balewala ‘yan sa ating mga bumbero pero oil-based, highly flammable, di kaya ng tubig lang,” saad niya.
Aniya, ito ang gamit ng Aviation authority sa Puerto Princesa Airport at sila pa lang ang mayroon nito sa kasalukuyan.
Sa ngayon ay hindi pa umano masabi ng konsehal kung magkano ang kinakailangang pondo para rito at kung saan ito bibilhin dahil pag-aaralan pa ito ng chief executive at ibababa naman sa kanila sa Konseho kapag kailangan na ng approval ang ilalaang pondo.
“Yan, hindi lang basta lang isinasalin sa trak. May ibang klaseng firetruck po na para rito at mini-mix ‘to habang binubuga ng fire truck ‘yong tubig at ‘yong kemikal—magmi-mix po ‘yan upon spraying; hindi ‘yan ‘yong inihahalo sa tangke kasi may expiration din,” pahayag pa ni Kgd. Mendoza.
Kasabay rin umano nito ay ang manifestation din ni Kgd. Herbert Dilig na titingnan din nila ang posibilidad na i-request sa national government, sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pamamagitan ng DILG kung maaari ba silang makapagbigay ng nasabing mga equipment. Ngunit kung kaya naman umano ng Pamahalaang Panlungsod na ito na ang bibili ay mas mainam.
HINDI NA NAAKMA ANG RATIO NG KAKAYANAN NG CITY FIRE VS POPULATION
“Kaninang umaga , bago ako nag-report ay kinonsulta ko muna si City Fire Marshall Nilo Caabay, [kung] ano ang masasabi niya kung magre-request [at sinabi niyang] talagang kailangan na natin itong AFFF na ito na fire truck. Sabi niya, kailangan na ng Puerto Princesa City na magdagdag ng truck kasi truck to population ratio, medyo kailangan [nang ma-update],” aniya.
Sa kabilang dako, ayon naman sa tagapagsalita ng City Fire Department na si FO3 Mark Anthony Llacuna, tinuran niyang mas maigi na may kasamang chemical firetruck kapag bumili ng AFFF. May isang trak naman umano silang pwedeng gamitin para sa AFFF concentrate ngunit mas maigi pa rin aniya na bibili rin ng akmang chemical truck.
“Kailangan na po talaga ‘yan kasi marami nang mga gasoline stations po rito; ‘yon (AFFF concentrate) ang kailangan natin,” aniya.
Sa tantiya ni Llacuna, ang naturang kemikal ay nasa P10,000 hanggang P20,000 ang kada container, depende sa brand habang aang firetruck naman ay nasa P20 milyon hanggang P30 milyon ang halaga depende naman sa laki at brand.
Discussion about this post