“Puwede bang tanggalin niyo na ‘yang ‘no quarantine’ na ‘yan?”
Ito ang hiling ni Dr Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) Commander at Assistant City Health Officer ((CHO), nang tanungin ukol sa inilabas na travel protocols ng National IATF noong Pebrero 26, 2021 na kung saan ay hindi na kailangang sumailalim sa 14-day quarantine ang lahat ng mga bumabiyahe.
“Actually, kung pupuwedeng hilingin dito sa National IATF [na] puwede bang tanggalin niyo na ‘yang ‘no quarantine’ na ‘yan. Kung pupuwede lang sana mahiling na kahit 7 araw man lang na quarantine para ma-monitor at ma-test man lang natin sila [mga indibidwal na bumabiyahe patungo sa lungsod].”
Aniya kahit required ang magpa-Antigen test sa mga biyahero ngunit hindi lahat ay sumusunod dito dahil ang iba ay maling address ang isinusulat sa mga forms na ibinibigay ng IMT pagkadating nila sa lungsod ng Puerto Princesa.
“Take note naman po hindi lahat ng dumadating dito sa puerto princesa ay napipilit namin magpa-test ng antigen test. Meron atleast 15% ang maaaring hindi nagpapa-test sa atin at minsan ang iba hindi na namin makita kung saang lupalop ng Puerto Princesa napunta [dahil] mali din pala ‘yung nilagay nilang address nung sila ay pumasok po.”
Maliban dito, may ibang pasahero naman na sumasabay sa scheduled flights ng lalawigan ng Palawan ngunit sa lungsod tumutungo. At ito ay hindi nababantayan dahil kulang sa koordinasyon mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
“Hindi pa po diyan kasama ‘yung mga pumapasok po via sa [scheduled flights ng] province po na mga passengers na ang dala-dala eh Puerto Princesa din ang pasok. At ‘yun ay hindi rin natin namo-monitor kasi hindi natin alam kung sino-sino sila kasi walang coordination din dito sa Puerto Princesa.“
Kahapon, Marso 29, 2021, ay nagkaroon ng live update ang IMT at hiniling nito na patibayin ang pakikipag-ugnayan ng probinsya at ng siyudad upang hindi makalusot ang mga taong ito at mabantayan ng husto ang mga dumarating sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan.
Discussion about this post