Isang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naidagdag sa active cases ng Puerto Princesa ngayong Sabado, Abril 10,
2021, batay sa anunsiyo ni Incident Management Team Commander, Dr. Dean Palanca sa pamamagitan ng Live Advisory ng Pamahalaang Panlungsod kaninang hapon.
Ang naturang indibidwal ay isang 42 taong gulang na uniformed personnel na nakatira sa Brgy. San Miguel na dumating sa lungsod noong March 25. Matapos umano ang ilang araw ay nakitaan siya ng mga sintomas at nagpa-swab kahapon, Abril 9, at lumabas naman sa resulta ngayong araw na positibo siya sa COVID-19 virus.
MGA YUMAO KAHAPON
Kabilang din sa inanunsiyo ng IMT ay ang dalawang yumaong indibidwal na positibo sa COVID-19.
Ang unang pasyente ay isang 53 taong gulang na lalaki na nakatira sa Wescom Road, Brgy. San Pedro na walang travel history ngunit close contact ng APOR. Nagpositibo umano siya sa RT-PCR test noong March 19 at inilipat sa ONP makalipas ang ilang araw dahil nahirapan na siyang huminga. Kalaunan ay humina na ang katawan ng naturang indibidwal at na-intubate ngunit kahapon ay binawian din siya ng buhay.
Ang ikalawa namang yumao ay isang 69 taong gulang ding lalaki na residente naman ng Purok San Francisco, Brgy. Tiniguiban. Wala umano siyang travel history ngunit mayroong pabalik-balik na ubo sa loob ng ilang araw. Nahirapan umano siyang huminga kaya dinala siya sa pagamutan kahapon ng umaga.
Nagpositibo siya sa RT-PCR test ngunit sa kasamaang-palad ay sumakabilang-buhay din kinahapunan.
Ang magandang balita naman ay may isang new recovered case sa lungsod na isang 64 taong gulang na dating local case mula sa Brgy. Tagumpay.
Sa pinakahuling datos ng Puerto Princesa, pito (7) ang active COVID-19 case ngayon ng siyudad batay sa confirmatory test na RT-PCR, walo (8) ang saliva RT-PCR positive, at 116 na Rapid Antigen Test positives. Sa kabuuan, ang kaso ng COVID sa Puerto Princesa ay umabot na sa 245 simula pa noong nakaraang taon, 231 naman ang recoveries at pito naman ang binawian ng buhay.
Discussion about this post