Naka-red alert status ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) kaugnay ng paggunita ngayong taon ng Undas o pista ng mga patay.
Sinabi ni Police Colonel Alonso Tabi Jr, Deputy Director for Operations, na naglagay na sila ng mga police assistance hub sa iba’t ibang sementeryo.
“Actually regarding sa preparation namin is 100% na kaming tapos sa preparation. Actually kaninang umaga starting 10 AM ay nakapag-deploy na kami ng personnel,” pahayag ni Tabi.
Nagpaalala rin si Tabi sa mga pupunta sa mga sementeryo na huwag nang magdadala ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng mga matatalim na bagay, mga alak, flammable materials at mga playing cards o baraha.
“Kung magbovulantary sila na i-surrender ang kanilang deadly weapon ay hindi natin sila kakasuhan pero kung magmamatigas sila ay puwede natin sila kasuhan kasi may violation ang sa deadly weapon,” dagdag pa ni Tabi.
Pinayuhan rin ni Tabi ang mga mamamayan na siguraduhing nakasara ang mga bahay kung aalis ng bahay o di kaya ay magsalitan na lamang sa pagdalaw sa mga yumao sa sementeryo para hindi manakawan.
Mananatili umano ang mga pulis sa mga sementeryo hanggang 8:00 PM sa November 2, pero kung marami pang tao ay handa silang magbantay hanggang makauwi ang lahat.
Discussion about this post