Hinihiling ngayon ng Sangguniang Panlungsod kay Mayor Lucilo Bayron na maglabas ng executive order para ipagbawal ang pagpasok sa Puerto Princesa ng mga processed, frozen and fresh pork products mula sa mga apektadong lugar sa bansa ng African Swine Fever.
Ito ay sa pamamagitan ng isang resolusyon na inaprubahan kanina sa ika-13 regular na sesyon ng 16th City Council.
Sa naging Question and Answer Hour portion ng sesyon, hiniling ni City Veterinarian Head, Dr Indira Santiago, sa City Council na magpasa ng resolusyon bilang suporta sa dina-draft na executive order.
“Dinadraft na po yan since noong friday pa pero ang hinihiling ko lang na resolusyon ay support to the executive order of the mayor at pagtalaga sana ng task force ASF,” ani ni Santiago.
Ayon pa sa kanya, kailangang makagawa agad ng aksyon ang syudad para hindi maapektuhan ang mga baboy.
Nilinaw naman niya na wala itong epekto sa tao subalit makakaapekto sa ekonomiya.
Samantala, hindi naman magiging sakop ng temporary ban ang mga manggaling sa munisipyo dahil nananatili umanong hindi apektado ng African Swine Fever flu ang buong Palawan.
Kinumpirma naman ni Santiago na posibleng magkaroon ng magandang epekto sa presyuhan ng mga buhay na baboy na ibinebenta ditto sa syudad dahil may posibilidad na tumaas ito.
May mga nagrereklamo raw kasi noon na nasa P85 lang kada kilo ang bilihan kaya lugi ang mga nagaalaga ng mga baboy.
Discussion about this post