Mahigpit na ipinagbabawal ang anumang religious gatherings sa Lungsod ng Puerto Princesa habang nasa ilalim ito ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa live press briefing ng City Government kahapon, ipinaliwanag ni Atty. Norman Yap, ang tagapagsalita ng Inter-agency Task Force on COVID-19 at kasalukuyang City Legal Officer ng Puerto Princesa, kung bakit pansamantalang hindi papayagan ang mga religious gatherings.
“Kung titingnan n’yo ‘yong national Omnibus Guidelines na kapag Modified Enhanced Community Quarantine, pinapayagan ang religious gatherings up to 10% of seating capacity—[pero] ‘yan ang default. May nakalagay kasi roon na if the ‘LGU will not object’ then, wala talagang religious gatherings,” aniya.
Mababasa ang nasabing kautusan sa Section 3 ng Omnibus Guidelines na kung saan, nakasaad pa na puwede pang iakyat ang venue capacity para sa religious gatherings mula sa 10% sa 30% percent, kung walang objection mula sa lokal na pamahalaan.
Dahil sa pagbibigay pahintulot na mabago ito ng LGU, napagkayarian umano ng mga miyembro ng LIATF kamakailan na ipagbawal muna ito habang MECQ.
“No’ng nag-meeting ang local IATF noong May 23, napagkasunduan na pansamantalang i-prohibit talaga ‘yong religious gatherings gawa ng 15 days lang naman ang MECQ, dalawang linggo lang naman ang matatamaan na service po nila,” aniya.
Sa ngayon umano ay puwedeng isagawa muna ang mga religious rites online kung maaari.
Discussion about this post