Hinahangaan ng mga netizens ngayon ang katapatan ng isang food delivery rider matapos nitong ibalik ang isang sobreng naglalaman ng P30,000 sa isang fast food chain sa lungsod ng Puerto Princesa.
Batay sa post ng Kiefer’s Delivery Services at kwento ng kanilang kasamahang rider na si Matthew, nasa Jollibee Rizal Avenue umano siya at kakuwentuhan ang kasamahan niyang rider habang naghihintay ng kanyang order.
Nang ihatid ng crew ng Jollibee ang kanyang order sa isang bakanteng mesang walang tao ay napansin nito ang isang puting sobre. Kinuha niya ang kanyang order at may isa umanong babaeng naglapag ng kanyang bag sa upuan ng nasabing mesa.
Lumabas na umano ang rider na si Matthew upang ilagay na sa thermal bag ang kanyang dalang pagkain, ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi siya mapakali dahil naisip niyang baka salapi ang laman ng sobre. Ng kanyang balikan ito, tinanong niya ang babae na umupo doon kung kanya ba ang papel na nandoon subalit sinabi ng babae na hindi umano sakanya ang naturang sobre.
Ng marinig niya ito ay tiningnan niya ang laman ng sobre at nakumpirma niyang pera ang laman nito.
Agad na lumapit ang rider sa guard at pinagbigay alam ang kanyang nakitang sobre, at sinabi niyang hangad niya na maibalik ang pera sa may-ari.
Sa pinakabagong update naman ng Jollibee Rizal Avenue, sinabi ng mga ito na naibalik na sa tunay na may-ari ang nasabing sobre.
Discussion about this post