Patay na ng madiskubre ng guwardiya ang isang sanggol na nakasilid sa isang plastic bag bandang 8:00 PM kagabi sa Puerto Princesa City Sanitary Landfill sa Bgy. Sta Lourdes.
Ayon kay Alan Barte, Operation Supervisor ng City Solid Waste Management Office, habang nagsasagawa ng roving patrol sa kanilang pasilidad ang isa nilang guwardiya ay nakita nito sa may dump site ang sanggol na wala nang buhay, kaya matapos maireport sa kanya ay agad siyang tumungo sa landfill.
Sinabi pa Barte na bagama’t hindi siya doktor ay masasabi niya na bagong panganak ang sanggol na babae dahil kumpleto na ang mga bahagi ng katawan nito.
Samantala, agad umano siyang nakipag-ugnayan kay CSWM head Richard Ligad at maging sa pulisya at sa pamunuan ng Bgy Sta Lourdes para mabigyan ng maayos na libing.
Posible raw na kahapon ng umaga ito nahakot ng kanilang mga tauhan dahil hindi pa ito sa stage of decomposition.
Magkagayunman ay hindi na raw nila matukoy kung anong trak nila at ruta nito ang nakakuha sa patay na sanggol ayon kay Barte.
“Nalulungkot tayo sa pangyayari sa bata sana ipinampon na lang o ibingay sa dswd kasi kawawa ang bata eh babae pa naman,” sabi pa ni Barte.
Habang sinusulat ang balitang ito ay kinumpira ni Kapitan Edgar Esoy ng Bgy Sta Lourdes na nasa isang funeral home ang sanggol.
Discussion about this post