Nakatakdang imbitahan ng Sangguniang Panlungsod sa susunod na linggo ang mga concerned agency hinggil sa peace and order ng siyudad.
Unang iminungkahi ni City Councilor Herbert “Bong” Dilig ang pag-iimbita sa pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) upang bigyan ng kaalaman ang Konseho ukol sa bilang ng mga foreign national na nasa lungsod at sa status ng nasabing mga banyagang naririto—mga residente man o hindi, o ang mga dumadaan, dumadalaw at namamasyal lamang sa Puerto Princesa City.
“Ito po’y may kinalaman sa nakaraang balita na may nahuling Pakistani na nag-iingat ng bomba o pasabog,” paliwanag pa ni Kgd. Dilig.
Kasama rin sa mga iimbitahan ay ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), Western Command (WESCOM) at ang Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na naunang iminungkahing gagawin sa pamamagitan ng closed door meeting lamang ngunit sa huli ay napagkasunduang gawin ito sa Question and Answer Hour upang marinig din ng publiko.
Unang pinag-isipan ng Sanggunian kung isasabay ang usapin sa pag-imbita sa DENR-CENRO na naunang mungkahi ni Kgd. Roy Ventura ngunit ang komento ni Kgd. Henry Gadiano na kung titimbangin ang isyu sa water ways at baha sa peace and order ay wala nang hihigit pa sa usapin sa seguridad.
At dahil sa usaping kapayapan at seguridad ay nagkaisa ang mga miyembro ng City Council na ipagpaliban muna ang pag-iimbita ng DENR-CENRO ukol sa kung bakit napapasama sa mga napapatituluhan ang mga natural na daanan ng tubig, kasama ang mungkahi ni Kgd. Jimbo Maristela na ukol naman sa easement sa mga baybayin ng lungsod.
Matatandaang naaresto noong Agosto 6 ang Pakistani na nakilalang si Haroon “Alex” Bashir, 29 taong gulang at kasalukuyang residente ng Brgy. San Jose, Puerto Princesa City sa bisa ng isang search warrant na ibinaba ng korte ng araw ding iyon na sa paghahahughog ay nakuha sa kanyang pag-iingat ang dalawang improvised explosive device (IED) at isang baril.
Noong Agosto 8 naman ay pormal nang naisampa ang kaukulang mga kaso laban sa nasabing foreign national sa pamamagitan ng inquest proceedings bagama’t wala pang petsa para sa arraignment.
Discussion about this post