Muling nakatanggap ng regalo sa kanyang ikaanim na taong kaarawan ang isa sa mga 100 millionth symbolic baby ng Lalawigan ng Palawan buhat sa Commission on Population (POPCOM) at Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO).
Bagama’t bahagyang nahuli ang pagdating nasabing mga regalo sa aktuwal niyang kaarawan noong Hulyo 27 dahil sa pandemya, masaya namang tinanggap ng batang si Emmanuel Fernandez na residente ng Brgy. San Manuel, Lungsod ng Puerto Princesa ang mga handog ng pamahalaan sa kanya.
Sa post ng Palawan Moving forward, nakasaad na personal na ipinagkaloob ni PSWDO Abigail Ablaña noong ika-11 ng Agosto ang birthday package mula sa POPCOM kalakip ang isang sakong bigas mula sa Kapitolyo at cash gift.
Ang pagbibigay ng birthday gift packs kay Emmanuel ay isinasagawa kada taon base sa mandato ng programa ng POPCOM para sa mga symbolic na 100 millionth Filipino baby.
Matatandaang isinilang si Emmanuel Fernandez ng hatinggabi noong ika-27 ng Hulyo, 2014 sa Ospital ng Palawan (ONP) sa Lungsod ng Puerto Princesa, kaalinsabay ng paglulunsad ng pamahalaan ng “100 Millionth Filipino Baby.”
Sa kabilang dako, ang pag-monitor sa mga Symbolic Baby sa buong bansa gaya ng batang si Emmaanuel ay bahagi ng Philippine Population Management Program (PPMP) ng POPCOM na kung saan ay ipinapakita ang patuloy na paglobo ng populasyon ng bansang Pilipinas.
Matatandang una nang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong taong 2011 na mahigit 4,775 sanggol ang ipinapanganak araw-araw habang ayon naman sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) noong taong 2010 ay patuloy na may naitatalang pinakamataas na fertility rate sa Pilipinas sa buong Asya na kung saan ay may naitalang 3.1 anak sa kada kababaihan.
Discussion about this post