(Para sa pagdiriwang sa Buwan ng Kababaihan Ngayong Marso)
Babae, isang INA…Sinasabing ilaw ng tahanan tagahulma ng mga anak niyang hirang at tagahubog sa kamalayan ng bawat indibidwal, guro kumbaga. Sa pagsulong ng mahabang panahon at sa patuloy na pag-ikot ng ating Daigdig, ganoon din kabilis ang pagbabagong-anyo ng ating mga kababaihan. Hindi na sila ang tipo ng mga babaeng nakapako ang kakayahan sa loob lamang ng ating tahanan, sila ay patuloy ng lumalago sa larangang nais nilang tahakin. Sumasabay na sila sa agos ng buhay at gawain, mga babaeng binihisan ng bagong anyo at handang sumabak sa ano mang uri ng larangan at pumapantay sa mga kalalakihan, at handang sumulong para basagin ang kinamulatang gawi na ang mga Babae ay dapat lamang sa tahanan…
Maihahalintulad ka ba kay GABRIELA? Isa ka ba sa sinasabing handang lumaban at makibaka para maisulong ang ipinaglalaban ng asawang pinaslang? Sa kasaysayan, isa na marahil si Gabriela sa maipagmamalaki ng ating mga kababaihan. Ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban ni Diego Silang upang makamit ang kalayaang minimithi ng kaniyang mga kababayan. Hindi niya alintana ang mga balakid sa pagsuong niya sa pakikiharap sa mga taong pumaslang sa kaniyang asawa at para na rin sa kaniyang Inang Bayan. Iyan si Gabriela, isang babae may prinsipyo, matatag at hindi sumusuko sa bitag ng mga kalaban…
Ikaw ba ay si Maria Clara? Isang babaeng minsan ay naikubli ang tunay na nararamdaman sa isang nililiyag at ng hindi naipahiwatig ang nakatagong pag-ibig ang naging hantungan ay pagpapatiwakal o ang pagtalon sa bintana ng kumbento at ang naging hantungan ay malamig na bangkay. Si Maria Clara ay larawan ng isang kahinaan, at kung ating uugatin ang pinagmulan matutumbok mong Lalaki ang dahilan at ito ay si Padre Damaso taga pigil sa lahat ng kaniyang naisin na gawin at sa huli Lalaki rin ang tumapos ng kaniyang huling hininga, ito’y ng hindi niya naibulalas ang pag-ibig na nasa para kay Crisostomo Ibarra.
Ikaw ba ay si Tandang Sora? Ginamit ang likas na kakayahan at naging malikhain noong panahon ng himagsikan… Naging tagapag-kubli ng mga katipunero laban sa mga mapanupil na hapones, ginamit din ang kakayahan sa paggagamot upang maisalba at mapagaling ang mga biktimang Katipunero laban sa mga buwitreng dayuhan na nagnanais na sakupin ang ating bansang sinilangan. Ang galing niyang likas sa pagiging malikhain at taktika o estratehiya ay naging susi natin upang bumalik ang sigla at lakas ng ating mga Katipunero noong panahon ng himagsikan. At hindi niya alintana kung ano ang nakaamba sa buhay niyang tangan basta ang mahalaga ay may magagawa siya.
Ikaw ba ay si Magdalena? Binansagang taga-aliw ng kalalakihan sa Mabini at Ermita, ang paglitaw sa pagkagat ng dilim ay iyo ng gawain. Kumakalam na sikmura ay kailangang tugunan, sadlak sa kahirapan ay kailangang maalpasan. Hindi mo alintana ang kalalabasan basta’t malamnan lamang sikmurang uhaw sa tulong ng Pamahalaan at hindi mo man ito nais na iyong kasadlakan kapatawaran naman ang hiling ng iyong uhaw na katauhan, iyan si Magdalena binasagang Kalapating mababa ang lipad sa Ermita, Maynila.
Ikaw ba si Corazon Bayani ng EDSA Rebolusyon? Nanindigan, lumaban at nakibaka para sa pagpapatuloy ng nasimulang ng kaniyang asawang pinaslang doon sa paliparan na Tarmak ang ngalan. Dumagundong ang galit at poot, nag-anib ang lakas ng nag-iisang sigaw pagbagsak sa rehimeng Marcos ito ang naging katugunan, at sa pagsulong ng bagong kalayaan ikaw ay naluklok na kauna-unahang Babaeng Pangulo ng ating Bansa. Hindi mo alintana ang susuunging pakikibaka, basta ang mahalaga makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya na minimithi ng ating buong bayan iyan si Corazon, Babae at may paninindigan para sa Inang Bayan.
Baka wala ka namang pinag-kaiba kay Magdalena, handang gamitin ang sining ng katawan upang magsilbing pang-akit sa mga produktong nais na ibenta ng mga lumilikha nito para sa tao. At para ikaw rin ay kumita halos ibilad mo ang iyong katawan sa mga naglalakihang bilbord sa EDSA, telebisyon, magasin at maging sa pahayagan. Habang dilat kang pinagmamasdan ng mga matang takam na takam na ikaw ay pagpantasyahan upang tikman hindi ang produktong iyong tangan bagkus ang maalindog mong katawan.
Hindi kaya ikaw si SISA na mababasa sa pahina ng Noli Me Tangere, may piring ang mga mata, tikom ang bibig, tinatakpan ang teynga, at nakatali ang mga kamay at paa. Nagbubulag-bulagan ka sa pananakit ng iyong asawa sa mga anak mong hirang na sina Basilio at Crispin. Hindi ka makapagsalita sa mahal mong asawa sa kung anong sakit ang nararamdaman habang ang iyong anak ay binubugbog nito at pilit kang nagbibingi-bingihan sa mga panaghoy nila. Hindi maka-kilos ang iyong mga kamay at paa, dahil pilit mong iniingatan ng huwag saktan ang mahal mong asawa. Kaya ang balik nito ay kalituhan at pagka-baliw sa iyong sarili, si Sisa larawan ng isang martir na Babae; Asawa at Ina.
O dili kaya ikaw ay si Eba handang matukso sa mansanas na bigay ng ahas, kaya sukli ay kapighatian at sumpa ng sandaigdigan? Mahina at madaling mapasunod sa mga maling gawi. Ito ang mga karakter na kalimitang idinidikit kay Eba, isang babae na minsan ay nagiging tulay sa pagkawasak ng isang nabuong tahanan. Babaeng tila magnetong humihigop sa kahinaan ng kaniyang nais mapasunod at kung mahina-hina ka ikaw ay tuluyang magagayuma ng kaniyang kakaibang kariktan. Iyan si Eba, Babae larawann ng isang tukso.
Sa patuloy na pagsuong ng mga babae sa ibat-ibang larangan ay patuloy din na lumalago ang ibat-ibang karakter na ating nasisilayan… Subalit kahit ano pa man ang kaniyang kinasadlakan, wala tayong karapatan na siya ay husgahan isinilang tayong pantay-pantay sa mata ng Diyos at ng ginagalawang lipunan….
Ang sanaysay na ito ay nagsasaad lamang ng ibat-ibang anggulo ng mga kababaihan, pagtingin sa kanilang kamulatan, pag-alam sa kanilang nakaraan at kasaysayan ay dapat lang nating tingnan at pag-aralan…Hangad lang ng may akda na maitawid sa ating kaisipan na tayong mga nilikha ay may kaniya-kaniyang kahinaan at kalakasan na dapat nating alamin at salaminin.
Saludo po ako sa mga kababaihan sapagkat kami sa inyo ay nagmula, kaya sa buwan na ito ng Marso na kung saan atin pong ipinagdiriwang ang ARAW NG KABABAIHAN, ako ay nagpupugay sa inyong kadakilaan. Mabuhay po kayo!!!
Discussion about this post