“Pag ako ang ibinoto niyo, ipinapangako ko ang malaking pagbabago sa ating bansa!”. Mula sa kampanya ng mga masusugid na manliligaw ng sambayanang Pilipino ay dinig na dinig na ang alulong ng kanilang mga pangako. Pagbabago para sa lahat o pagbabago ng sariling balat? Bakit nga ba hindi pa tayo umuunlad?
Ito na naman ang ikalawang pagkakataon na ibinigay sa akin ng aking guro upang makapagsalaysay at isiwalat ng aking kamay sa pamamagitan ng pagsusulat kung ano man ang sa aking isip. Maraming katotohanan mula sa realidad ng mundo ang siyang susubo sa ating isip na may layuning maging ganap na pananaw para sa bawat isa sa atin. Lahat tayo ay may kalayaang pumili ng ating gusto ngunit kalayaan din natin na imulat ang ating sarili sa kung ano ang totoo.
Unang dahilan sa aking isip kung bakit hindi tayo umuunlad ay dahil ‘hindi natin kayang baguhin ang ating mga sarili’. Maniwala ka man sa hindi, ito ang nakagigimbal na realidad sa ating pagkatao. Pinagmumulan ang lahat ng iba’t ibang pananaw at layunin sa sarili at lipunan. Maraming nais na umunlad at mabago ang gusot sa ating paligid. Mga taong nais na gumanda ang buhay, makapag-aral ng maayos ang mga anak, magkaroon ng sariling trabaho o negosyo at kumita ng higit pa sa pangangailangan. Naisip mo na ba kung bakit kadalasan salungat sa mga ito ang nangyayari sa atin? Kung iyong iisipin, paano magiging maganda ang ating buhay kung tanging ang edukasyon na ating natapos o tinapos ay limitado lamang? Paano makakapag-aral ng maayos ang mga kabataan kung halos lamunin na sila ng sistema ng social media, makabagong teknolohiya at makamundong material na bagay na lumalason sa dapat nilang hangarin na mag-aral? At paano magkakaroon magandang trabaho kung hindi naman gustong magsimula sa mababa o paano magkakaroon ng negosyo kung puro na lamang hiya? Naiisip mo rin ba na nasa atin mismo ang problema? Hindi nanay mo, tatay mo, kapatid mo o kung sino man na nasa paligid mo kundi ikaw mismo.
Bukod pa rito, ang mabuting pagbabago sa lipunan ay ninanais din natin; magandang kapaligiran, walang polusyon at sariwang hangin. Ngunit, kung iyo ulit na iisipin, paano pa magkakaroon ng magandang kapaligiran kung ikaw mismo ay hindi magawang magtapon ng basura sa tamang basurahan? Paano mawawala ang polusyon kung ang nais naman natin ay mga bagong sasakyan? At paano pa tayo makakalanghap ng sariwang hangin kung ang mga puno at kabundukan ay atin na rin hinayaang lumisan?
Sana’y pagbulay-bulayin mo ang unang pahayag ng dahilan ko. Isususnod ko naman dito ang isa pang dahilan ng pananaw ko.
Pagiging “tamad”, mismong mga Pilipinong propesyonal na ang nagsabi “Most Fiipino are Lazy!”. Masakit man isipin ang salitang ito ngunit alam nating walumpung porsyento ng salitang yan ay realidad na sumasalamin sa atin. Kahit sabihin pa na ‘kalabaw’ ang ating pambansang hayop na sumisimbolo sa kasipagan ng mga Pilipino, hindi natin maaalis na ‘daga’ lamang ang turing sa atin ng ibang bansa. Paano nga ba masasabing hindi tayo tamad? Kung iisipin, bakit mas ginugusto pa nating matulog at humilata kahit sikat na ang araw? Bakit mas pinipili nating dumating ng wala sa tamang oras (Filipino time)? Bakit mas ginugusto nating ipagpaliban ang isang gawain kung pwede naman tapusin agad? Masasabi mo ba na hindi tayo tamad kung sa bawat pahayag na ito ay mismong ganyan tayo?
Magagawa naman natin ang mga simpleng gawain kung gugustuhin natin. Ngayon naman ay ang ikatlo kong paninindigan ng hindi pag-unlad ng ating bansa.
“Pagtangkilik sa gawa ng iba”. May ideya ka na ba? Ang mga produktong nabibili mula sa ibang bansa ay nakangiti nating isinusuot, ginagamit at ipinagmamalaki. Pakiramdam ng tuwa’t galak at kapurihan mula sa iba ay nadarama natin kapag mayroon tayong pagmamay-aring “imported”. Lingid sa ating kaalaman ay ginagapos na tayo ng sariling kagustuhan. Masyadong ipinagtataka ng karamihan kung bakit higit na nalalamangan tayo ng ibang bansa. Bakit nga ba hindi kung tayo rin mismo ang nagiging dahilan ng pag-unlad nila. Aminin man natin sa ating sarili o hindi, halos hindi na natin magawang mabuhay kung walang imported na mga kagamitan o pagkain. Kahit mismo sa pananamit ay hindi na natin sinanto. Subukan mo tanungin ang iyong sarili; Anong klaseng tabas ba ng damit ang nais mong isuot, yung de kolores at may iba’t ibang tahi sa magkakabilang gilid o ang kamiseta at kimona na bigay pa ng iyong lola? Alam mo sa iyong sarili kung anong mas gusto mo. Sa simpleng panggagaya pa lamang natin ng estilo ng pananamit nila ay nasasakop na rin tayo at nagmumukhang aso dahil sa pagsunod sa kung anong uso. Mga simpleng paraan ng pamumuhay at pananamit tulad ng sa iba ay ang realidad na sila ang mas umuunlad.
Susunod naman ay ang ikalimang pahayag ng aking malalim na dahilan ng hindi natin pag-unlad.
“Ibang bansa ang nakikinabang sa atin”. Ang buong akala natin ay tinutulungan tayo ng ibang bansa para sa pangkalahatang kapakinabangan ngunit dahil sa kritikal na pananaliksik ng iilan ay napagtanto nilang lahat ito ay kasinungalingan. Kung tutuusin ay mayaman ang Pilipinas pagdating sa mga ginto, mayayabong na puno at iba’t ibang uri ng metal, agrikultura at iba pa. Sabi ng iba ‘hindi nating kayang mabuhay kung wala sila’, ngunit kung isasampal sa atin ang totoong hangarin ng ating kapwa-bansa, magiging baliktad ang posisyon ng mundo na sila ang hindi magawang mabuhay kung wala tayo. Hindi ba’t produkto ng Plipinas ang iniaangkat upang matustusan ang pangangailangan nila? Hindi ba’t mga negosyante mula sa ibang bansa ang siyang nagpapasimula rito ng pagmimina? Hindi ba’t ibang bansa ang nais umangkin ng mga matitibay na punong-kahoy na mayroon tayo? Sana ay naiisip mo din yun.
Lahat tayo ay ninanais nating umunlad ang Pilipinas. Gusto ng lahat na maging pantay-pantay sa kasaganahan at karangyaan ngunit paano mangyayari iyon kung ang pag angat ng ating kapwa ay palagi nating pinupuna.
“Crab mentality is real!”. Nais nating maging pantay-pantay at magkaroon pagkakaisa ngunit ang katotohanan ay tayo rin mismo ang sumisira sa ating kapwa maging sa sarili. Kung nais nating maging pantay-pantay, bakit kailangan pa na pag-isipan ng mali ang kapwa nating unti-unting umuunlad dahil sa kaniyang pagsisikap? Kung iyong iisipin ay magiging pantay-pantay lamang ang lahat kung ang bawat isa susuporta sa pag-unlad ng iba.
Huling pahayag ng aking pananaw ay ang “pansariling interes”. Lahat ng bagay ay magagawa nating solusyunan para sa sarili, kapwa at mamamayan. Ngunit ang hindi matapos-tapos na isyu ng korapsyon ang siyang unang dahilan. Hindi tayo bumabanggit ng sinumang politiko ngunit batid nating karamihan sa kanila ay sangkot dito. Araw pa lamang ng eleksyon ay halos dumagundong na sa pandinig ng sambayan ang pangako ng kandidatong manliligaw ng mamamayan. Ang kaakibat ng nakabibighaning salita pala ay pagtiis at pag asa sa mga pangakong ito. Sa mga nais maging lider ay maiisip natin na ang pagboto para sa kanila ay isang sugal. Sugal kung magagawa nga ba tuparin ang pangako o sugal para maging dahilan na naman ng bagong yugto ng pagkawasak ng lipunan ng Pilipinas. ‘Korapsyon’, ito na marahil ang pinakalaganap na pagnanakaw sa kasaysayan ng mundo. Mismong harap-harapan tayong ninanakawan ng mga taong atin mismong pinagkatiwalaan. Marahil ito na ang pinakadahilan ng hindi pag-unlad ng ating bansa, ang pag-isip lamang sa sariling kapakanan at interes.
Anumang mabuting pagbabago ang hangarin natin, mangyayari lamang ito kung lahat tayo ay magtutulungan at may pagkakaisa. Hindi man natin magawang baguhin ang mundo, bansa o paligid ngunit magagawa nating baguhin ang ating mga sarili na siyang magiging simula ng kaunlaran ng lahat.
Discussion about this post