Taong 2000 nang pumatok ang kursong Caregiver hindi lang sa lungsod ng Puerto Princesa kundi maging sa iba’t-ibang panig ng bansa dahil sa pagiging in-demand nito sa mga bansang Canada, United Kingdom, Middle East at maging sa Southeast Asia.
Sino banaman kasi ang hindi magkakainteres na mag-aral nito? Bukod sa 6 hanggang 7 buwan mo lang kukunin ang buong kurso ay mabilis kapang makakapagtrabaho sa ibang bansa lalo na kung may mga kakilala, kamag-anak at employer ka sa ibang bansa na direktang kukuha sayo. Kasama na ang mas mabilis na pagproseso ng iyong permanent Visa sakaling palarin ka na mapunta sa NBA bansang nagbibigay ng permanent residency.
In-demand rin naman ang Nursing Assistant at Nursing pero tulad nga ng nabanggit ko kanina ay tinatayang aabot lamang sa 6 hanggang 7 buwan ang pag-aaral ng caregiver kumpara sa 4 na taong pag-aaral ng kursong Nursing o 1 taon mahigit para sa kursong Nursing Aide.
Kung papalarin ay tinatayang aabot sa 150.000 thousand pesos o higit pa kada buwan ang kinikita ng isang Caregiver depende sa mga bansang mapupuntahan tulad ng Canada at United Kingdom na talaga namang nangunguna sa mga bansang in-demand ang Caregiver. Habang aabot naman sa 45.000 pesos hanggang 75.000 pesos ang kinikita ng ilang mga Filipino caregivers na nagtatrabaho sa mga bansang sakop ng Southeast Asia at Middle East.
Pero alam ba ninyo na bukod sa mga bansang ito na nabanggit ay hindi nagpapahuli ang Puerto Princesa sa mga lugar na in-demand rin ang trabahong ito? May mga ilan kasi dito sa atin sa Palawan at Puerto Princesa ang nangangailangan ng mga tagapag alaga sa kanilang mga kaanak na talaga namang nangangailangan ng aalalay sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Sa isang panayam kay Ms. Bing Bautista ng Palawan Adventist Hospital na base narin sa kanyang mga naging karanasan at mga naging Estudyante na nagtatrabaho ngayon dito sa lungsod bilang caregiver, tinatayang aabot sa 500 to 800 pesos sa kada walong oras ang kinikita ng isang Caregiver dito sa atin sa Puerto Princesa, kumporme o depende pa sa kundisyon ng inaalagaang pasyente nito.
May mga nag-aalaga na nasa bahay lang, habang ang iba naman ay nasa ospital nag-aalaga ng kanilang mga pasyente.
Sa kabuuhan, kung ikaw ay nagtatrabaho ngayon batay sa ating Provincial minimum rate/wage ay di hamak na mas malaki pa rin talaga ang kinikita ng isang caregiver dito sa lungsod kasama pa ang overtime na makukuha rito.
Di hamak na mas masarap magtrabaho malapit sa piling ng ating mga mahal sa buhay kung ikukumpara naman sa ibang kalapit na bansang magbibigay lamang ng 30.000 to 40.000 pesos kada buwan.
Hindi natin hangad na sirain ang pangarap ng ilang mga kaibigan natin na nagtapos ng Caregiver at nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, pero kung ang kikitain mo naman sa ibang bansa ay kayang ibigay sayo rito sa Puerto Princesa, well… Isa na ako sa magsasabi sayo na dumito ka nalang kung saan malapit ang iyong pamilya.
Discussion about this post