Kung alam mo lang ang (halagang) pinagpapalit mo at mga bagay na kalakip nito, gagawin mo pa kaya ang mga binabalak mo?!
“Forsake and Be Forsaken : Ang Resulta ng Maling Akala“
Nakapanood ka na ba ng isang episode ng “Kwarta o Kahon“ o ‘di kaya “Pera o Bayong“ kung saan naipagpalit ang malaking halaga na nakahanda ng ibigay sa isang akala at sana na nauwi sa wala?! Depende kung anong edad ka at kung ano naabutan mo naka-ere sa TV pero ang daming saya, ligaya, katatawanan at panghihinayang sa mukha ang naipinta ng mga palabas na ito hindi lang sa mga manunood pero kasama na ang mga sumali sa patimpalak na nanalo at natalo.
Sinabi ng PANGINOON kay Jeremiah, na maaring panghawakan ng bawat taong may pusong handang magpasakop at manampalataya na, may maganda siyang plano – plans to prosper and not to harm, plans to give hope and a future. (Jeremiah 29:11) Kung may plano ang Dios tiyak magandang plano ito. Dahil walang nilikha at minarapat ang Dios na hindi kapakipakinabang, maganda at kamangha-mangha. Hanggang ngayon marami pang nadidiskubre na nakapaloob sa mga bagay na niloob ng Dios sa kanyang sansinukob. Kinakailangan lang na hanapin, aralin at unawain nang maigi para lubusang maunawaan at mapakinabangan.
Ang tanong; paguukulan ba natin ng panahon na unawain, pagtibayin at saliksikin ang mga ipinagkaloob ng Dios sa atin o ipagpapalit natin ito sa hinahain sa atin ng mundo na kung tutuusin ay isang pain at patibong para mailayo tayo sa magandang plano ng Dios sa atin?! Sa kasamaang palad ito ang sinapit ng mga Israelita noong pinagpalit nila ang Dios nila sa mga diyos-diosan ng mga bansang nakapaligid sa kanila – dios ng mga taga-Aram, Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. “Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at hinayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo.” (Mga Hukom 10:7 RTPV05)
Dahil sa kanilang pagtalikod at pangangalunya sa Dios na naging tapat sa kanila mula Ehipto hanggang makapasok sila sa lupang ipinangako, pinabayaan sila ng Dios at pinabayaan sila sa oras ng kanilang malubhang pangangailangan at kahirapan. “Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at hinayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo. — Ang sagot sa kanila ni Yahweh, “Nang kayo’y pahirapan ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, Sidonio, Amalekita at mga Maonita, humingi kayo ng saklolo sa akin at iniligtas ko naman kayo. Ngunit tinalikuran ninyo ako at sumamba kayo sa mga diyus-diyosan. Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas. Sa inyong mga diyus-diyosan kayo humingi ng tulong sa panahon ng inyong kagipitan!”” (Mga Hukom 10:7, 11-14 RTPV05)
Bakit nga ba naman kung nahihirapan na tsaka lumalapit ang tao sa Dios? Bakit nga ba kung kelan may panganib at pangamba tsaka tayo nagkakapuso na sumamba at manampalataya. Ang nangyari sa mga Israelita ay maaring mangyari din sa atin sa ating paghahabol sa mga bagay na inaalok sa atin ng mundo.
Ano bang mayro’n ang mga bansang nakapalibot sa mga Israelita na naging pita ng laman nila at naging epektibong pain para hindi lang kalimutan nila ang Dios nila pero siya ay talikuran. Si Baal ay, the weather god, at nakadikit sa kanya ang “financial success” habang si Ashtoreth naman ay “the goddess of fertility” na associated with love, sex, and romance.** Si YAHWEH ay the GREAT I AM. Kung tutuusin wala na silang hahanapin pa dahil lahat nasa kanya na. Ang kasalanan ng mga tao sa Judges 10 ay hindi lang pagsuway sa utos ng Dios kundi ang ipagpalit ang “PERA sa BAYONG!”
Nawa’y wag natin ipagpalit ang Dios natin sa kahit anong pain na ihahain ng mundo. Sa mga TV shows oo may naka JACKPOT iilan ang umuwing luhaan dahil pinagpalit ang handang ibigay sa akala na MAS GAGANANSYA!!! Nawa’y maging matatag tayo na ipaglaban ang pananampalataya at huwag ipagpalit sa kung ano-anong hamon ng mundo.
Discussion about this post