Madali lang daw ang sagot sa tanong na paano swertehin sa taong 2022: magsuot ng bwenas na kulay, maghanda ng isang dosenang bilog na prutas, mag-ingay pantaboy ng masamang espiritu, at pwede ka ring tumalon-talon kung sa tangkad ka naman minalas. Pero simula pa noong 2020 noong nagsimula akong madiskumpyansa sa mga tradisyong ito dahil sa sunod-sunod na problema at trahedyang naganap kahit pa nga masunurin naman tayo sa pamahiing pampabwenas. Ang tanong ko tuloy, may swerte pa rin kaya sa bagong taon?
Walang masama kung maniniwala sa swerte ayon sa mga sikolohista. Tumutulong ito sa atin na makayanan ang mga di-inaasahang pagkakataon tulad ng trahedya o natural na kalamidad, at pinapanatili tayo nitong maging positibo sa mga pagkakataong hindi natin kontrolado.
Para sa maraming Pilipino na dumaan sa maraming unos at pagsubok sa taong 2020 at 2021, mas umiigting ang paniniwala natin sa mga bagay at asal na nagdadala ng swerte kapag tayo ay humaharap sa agam-agam ng isip at pagpapagal ng katawan. Halimbawa nito ay inaasa na lamang natin sa swerte kung mayroon pa ba tayong kakainin kinabukasan. Ika nga, bahala na bukas ang mahalaga ay buhay. Ganito marahil ang ating pananaw sa kasalukuyan pagkatapos tayong hagupitin ng bagyong Odette ilang araw bago salubungin ang taong 2022.
Kaakibat ng paniniwala sa swerte ay ang pag-asa sa mas masaganang buhay. Katulad ng inaasahang biglaang pagyaman kung tatama ang mga numero sa lotto o kung mayroong mabuting samaritano na magpapamana sa atin ng limpak na salapi.
Anuman ang gawin natin di umano’y may kabuntot na swerte o malas. Ang ilan dito ay bunga ng ating mga aksyon at ang ilan naman ay sadyang nakatadhana. Ayon kay Dr. James Austin (1978), mayroong apat na uri ng “swerte.”
Una ay ang “blind luck” ito ay ang uri ng swerte na di inaasahan na parang isang himala na gawa ng Diyos tulad ng pagkapanalo sa lotto. Dahil ito ay hindi nakikitang paparating, dapat ito ay laging binabantayan upang di mapakawalan.
Ikalawa ay ang “motion luck” kung saan uri ng swerte na kayang manipulahin ng tao. Ika nga, tao ang gumagawa sa guhit ng kanyang kapalaran. Halimbawa sa negosyo, kung ikaw ay pursigido at di sumusukong sumubok ng iba’t ibang paraan, mas mataas ang tyansang ikaw ay magtagumpay.
Ikatlo ay “preparation luck” ito ay uri ng bwenas na pinaghahandaan batay sa talas ng obserbasyon gamit ang espesyal na kaalaman o kasanayan sa isang larangan. Halimbawa, kung ikaw ay 10 taon na sa trading business, nangangahulugan na may malalim ka nang kasanayan ukol dito, madali mo nang makita ang mga oportunidad sa paglago sa iyong negosyo na hindi nakikita ng mga baguhan pa lamang. Kung noong 2010’s ay pinasok mo na ang cryptography, madali na lamang sa iyo kung paano magpayaman sa Bitcoin currency.
At ikaapat ang “luck unique to you.” Walang taong ipinanganak na malas, ang totoo ay mayroon tayong mga bukod-tanging karakter na nagdadala sa atin ng swerte. Ang pagiging palakaibigan, maboka, madiskarte, at iba pang katangiang taglay ay tilang magnetong umaakit ng bwenas sa ating paligid. Nagiging tatak natin ang ganitong karakter kung kaya’t nakikilala tayo kaagad sa karera na ating pinapasok. Magpakatoto ka lang sa iyong sarili tiyak lalapit ang swerte sa iyo!
Swerte ka kung kahit isa sa apat na ito ay taglay mo na sa iyong sarili. At hindi ka na mamalasin dahil karamihan sa mga uri ng swerteng nabanggit ay likas na taglay ng tao. Ngunit kung palagay mo ay wala pa rin sa mga nabanggit kung paano ka ba bubuwenasin ay mayroon pang ibang aspeto na kung hindi man swerte ay maituturing nating biyaya sa araw-araw.
Hindi ba’t mahalaga na tayo ay buhay kahit pa natumba ng bagyo ang ating ari-arian? Ang mga taong hindi man natin personal na kilala’t nagpaabot ng tulong ay biyaya sa ating muling pagbangon? At ang lakas ng ating pananampalatayang hindi nagiba kahit pa naging malupit ang tadhana at kalikasan?
Maaaring hindi man tayo maswerte sa pamantayan sa lupa ngunit kung tutuusin ay nag-uumapaw ang ating mga biyaya na sa langit nagmula.
Source:
https://www.wealest.com/articles/four-kinds-of-luck
Discussion about this post