Tanong at Pagsasaysay ni Abril Jane:
Hello po Atty. Dong, ilalapit ko rin po sana ang problema ko about sa umutang sa akin. March 10, 2023, nanghihiram po ng P7,000. Kailangan lang daw ng anak ng pang tuition. Sabi po niya na ibabalik din next week kapag nakuha na nila ‘yunh hinihintay nilang pera na nadelay din. At nagsabi pa na kahit daw po ipost ko sita sa Facebook kapag hindi po siya nakabayad ay okay lang.
Nakuha niya tiwala ko dahil sa sinabi niyanh iyan. Dumating po due date niya, wala pong paramdam hanggang mag 2-weeks na.
Maghapon po kinabukasan ay wala na naman siyang paramdam.
Sa totoo lang po wala akong tulog ngayon mahintay lang na mag online sya. Andito po kasi ako sa Middle East kaya magkaiba po ng time.
Kaninang umaga lang po siya nagparamdam na uli matapos ko syang ipost sa Facebook. Ang alibi po niya, nalowbat daw po ang cellphone nya kaya hindi nakapag online. Pero ang alibi na binigay ng asawa niya ay maghapon daw pong nasa ospital ang asawa at nagbantay sa nadisgrasya nilang anak.
Pero meron po akong concerned friend na nag screenshot sa myday noong lalaki na magkasama sila ng asawa sa isang gathering. Napapaisip lang po kasi ako sa alibi nilang dalawa. Ang sabi lang noong umutang, nalowbat siya at hindi nabanggit na nasa ospital siya maghapon. At kung sakali man po siguro na nasa ospital sita at nagbantay ng pasyente napaka impossible naman na hayaan niyanh malowbat ang cellphone nya. Medyo hindu lang tugma ‘yung alibi nilang mag-asawa.
Ngayon po ay nagpost ako sa Facebook at naka-tag sa umutang. May pananagutan po ba ako kahit may permiso naman sa umutang na puwede ko syang ipost if ever na hindi makabayad?
Sagot ni Atty. Dong Ba-alan:
Medyo mahirap talaga ka-transaction ang ilan nating kaibigan lalo po kung ito ay medyo sinungaling.
Kaya lang huwag po sana kayo gumaya sa iba na namamahiya sa social media sa taong hindi nakakabayad ng utang dahil baka sa halip na kayo ang makasingil ay kayo ang masingil dahil sa kasong cyberlibel at danyos.
Hindi po license ang utang para hiyain ang isang tao. Maaring ito ay magpapaba lang ng inyong criminal liability pero hindi ganap na kayo ay walang pananagutan kung mapatunayan sa husgado na ang inyong layunin ay hiyain ang nangutang sa inyo.
Ang Facebook at social media ay hindi po collection agent para dito niyo idaan ang paniningil. Dahil dito, kung may halong panghihiya ang isinasaad sa inyong post, ito po ay Cyberlibel at maari po kayong mademanda at makulong sa ilalaim ng batas na ito (Sec. 4,c[4], Cybercrime Law, in relation to Art. 355, Revised Penal Code).
Ang permiso po, lalo pa kung ito ay ginawa lang sa salita, ay hindi basihan ng exception from criminal liability sa ilalim ng Cybercrime Law.
Ibig sabihin, kung gagawin niyo ang pag post ay maari lang bumaba ang penalty niyo pero hindi ka exempted sa criminal liability, ito ay kung payag ang huwes na ikonsidera ang pagpayag ng biktima na kadalasan ay hindi pinapayagan dahil ang Cyber Law ay special law.
Sa ganitong sistema, maaring isipin niyo na “Bakit po ganoon? Ang umutang pa ang lalabas na victim at ‘yung stress na binigay nito sa nagpautang ay parang mababaliwala, lalo pa ‘yung mga pangako na hindi naman natutupad at puro pagpapaantay na lang ang sinasabi kung sila ay magkakapera gayong hindi naman ganoon ang naging usapan bago pa manghiram?”
Ang paniningil sa utang ay civil case gayong criminal case naman sa panghihiya sa social media.
Ang dahilan bakit ka magrereklamo sa utang ay dahil hindi nagbabayad ang umutang. Ikaw na inutangan ang biktima sa hindi pagbabayad. Pero sa Cyber Libel ang biktima ay ‘yunh hiniya at ang kanyang reklamo ay panghihiya.
Sa makatuwid, magkaiba po ang cause of action ng dalawang kaso na ito.
Bagaman at kayo ay nasa ibang bansa at marami ang nag-chat sa inyo na talagang makunat magbayad ang umutang sa inyo, pero, wala po tayo magawa, may mga tao talagang ganyan. Kaya sa susunod ay huwag basta- basta magtiwala sa umuutang.
Marahil mayroon din ibang naniningil sa kanya ng utang. Kaya lang mas maigi na sabihan mo nalang ang mga pinagkakautangan nito na mag file din ng case at wag nalang sila mag post sa social media at baka bumaliktad pa ang sitwasyon, sa halip na ang umutang ang masingil ay ‘yung nagpautang pa ang magbabayad at posibleng makulong, dahil lang sa hindi magandang post sa social media.
Hindi po puwedeng kasuhan ng Estafa ang nangutang dahil malinaw po sa ating batas na walang nakukulong ng dahil sa hindi pagbabayad ng inutang (Sec. 20, Art. 3, Philippine Constitution).
Discussion about this post