Nakatakdang imbitahan sa Committee on Basic Education (Elementary, High School & Senior High School Concerns) ng Sangguniang Panlalawigan sa susunod na linggo si DepEd Palawan Schools Division Superintendent Roger F. Capa CESO VI,upang kamustahin ang ginagawang paghahanda ng kagawaran patungkol sa muling pagbubukas ng face-to-face classes sa mga eskwelahan sa buong lalawigan ng Palawan sa darating na buwan ng Agosto.
Sa privilege speech ni Board Member Rafael V. Ortega, Jr. sa ginanap na regular na sesyon ng ika-44 Sangguniang Panalalawigan kahapon, Hulyo 26, 2022, nais malaman ng Pamahalaang Panlalawigan ang kongkretong plano ng kagawaran upang masiguro ang kahandaan sa pagbabalik ng face-to-face classes.
“Ating ninanais na makaharap ang Pamunuan ng Kagawaran ng Edukasyon sa buong Palawan sa pamumuno ni Dr. Capa kung ano ang nararapat…na maging handa ang kagawaran ng edukasyon sa pagpasok ng face to face classes…at siyempre po andoon ang koordinasyon sa Provincial Government sa mga Local Government Units, ng sa ganun po handang-handa kasi po iniisip natin hindi lang naman yong education ang iniisip natin kundi yong safety protocols ng mga kabataan,”saad ni BM Ortega.
Nais din ng mambabatas na mabigyang linaw ang ilang mga dahilan ng mga guro sa lalawigan na magpasa hanggang ngayon ay hindi pa rin bakunado at ayaw magpabakuna.
“At gusto ko sana mariin maitanong, kung bakit lagi nating sinasabi na magpabakuna ang mga kabataang mga estudyante pero ultimo ang mga guro ay hindi po bakunado ang karamihan. Yun po ang ating concern, kung ang concern natin ay kalusugan bakit ultimo ang mga guro hindi makumbinsi ng Kagawaran ng Edukasyon na mandatory nilang pabakunahan bilang pagsunod sa kautusan ng Pangulo at kagustuhan ng Department of Health na lahat ay bakunado.”
Samantala, napagkasunduan ng komite na ipapatawag ang Kagawaran ng Edukasyon upang maaksyunan ang mga plano kaugnay ng nalalapit na face-to-face classes sa lalawigan ng Palawan.
Discussion about this post