Naniniwala ang karamihang mamamayan ng Puerto Princesa at Palawan na makatuwiran ang pagbalik ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ipinahayag ng dating mag-aaral ng TESDA na nagpakilalang si Arriene Miranda, nakatapos ng Bread and Pastry at NC II holder, na mas maraming oportunidad ang lalo pang mabubuksan para sa mga nagnanais na makapag-aral sa TESDA kung ang DOLE na ang siyang mangangasiwa rito, bagama’t naging epektibo naman ang ahensiya sa pamamalakad nito sa lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Miranda, maaaring maipagpatuloy ang pagtulong ng DOLE sa mga nakapagtapos upang magkaroon ng pagkakakitaan matapos na makapag-aral sa TESDA ang isang indibidwal.
Kanila ding ipinaaabot ang pagsang-ayon sa naging pahayag ni Senador Jinggoy Estrada hinggil sa muling pagbabalik ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Itinuturing na bahagi ng rightsizing efforts ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang desisyon na ibalik ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE), bukod pa sa ito ay isa sa binigyang pahayag sa reform mechanism na binanggit ng Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
Si Senador Estrada bilang chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development ay nagpahayag na, “ito ay isang lohikal at makatwirang desisyon. At ito’y naaayon din sa batas, RA 7796, na nagtatag sa TESDA at nagtalaga rin sa kalihim ng labor and employment bilang chairperson of the board ng TESDA.”
Sa panayam naman ng Palawan Daily News kay Antonio Estabillo, isang nagtapos ng kursong Driving and Mechanic sa TESDA, “maaaring sa pamamagitan ng DOLE, magiging mabilis ang pagtupad naming sa pangarap na makapagtrabaho sa abroad, kaya inaasahang magiging mas matagumpay ang programang ito ng pamahalaang Marcos.”
Isinasaad ng Republic Act 7796 o An Act Creating the Technical Education and Skills Development Authority, providing for its powers, structure and for other purposes, na ang TESDA board ang pangunahing responsable sa pagbabalangkas, pagpapatuloy, pag-uugnay at pagsasama-sama ng teknikal na edukasyon pati na ang paglalatag ng mga patakaran sa pagpapaunlad ng kasanayan, mga plano, programa at paglalaan ng resources batay sa rekomendasyon ng kalihim ng DOLE.
Sa Section 2 ng naturang executive order, isinasaad na ang Kalihim ng Paggawa at Pag-empleyo ang siyang magiging Chairperson sa TESDA Board batay sa Section 7 ng Republic Act No. 7796 or the Technical Education and Skills Development Authority Act of 1994.
Iniutos ng EO No. 5 ang pagbalik ng TESDA bilang attached agency ng DOLE para isakatuparan ang pag-iisa ng mga functional structures ng mga ahensya ng gobyerno na may magkakaugnay na mandato at para isulong ang koordinasyon, kahusayan, at pagsasaayos ng burukrasya.
Bukod dito, binigyang diin pa ni Senador Estrada na “habang ang DOLE ay ang policy-coordinating arm para sa pagsusulong ng kapaki-pakinabang na mga oportunidad sa trabaho, proteksyon ng mga manggagawa at pagtataguyod ng kanilang kapakanan, ang TESDA naman ay tungkuling pangasiwaan ang teknikal na edukasyon at pagpapahusay ng kasanayan.”
Sinabi pa ni Senador Estrada na makatitiyak na mas mapapahusay pang lalo ang institutional capacity ng mga ahensya ng gobyerno kung magagampanan nila ang kanilang mga mandato at makasisiguro tayo ng mas maayos at mainam na serbisyo.
Para naman sa mga bumubuo ng TESDA Palawan at DOLE Palawan, anuman ang kinakailangang ipagkaloob na programa at proyekto para sa mga mamamayan ay kanilang maayos na ipatutupad batay sa adhikain ng pamahalaang nasyunal sa ilalim ng liderato ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Discussion about this post