Nag-rally ang mahigit 100 residente ng Barangay Bato-Bato sa Narra para suportahan ang pagtatayo ng 15-megawatt coal-fired power plant sa kanilang lugar.
Ayon kay Barangay Kagawad Jonjie Farman, sinusuportahan nila ang pagtatayo ng DMCI ng planta ng kuryente sa kanilang lugar para masulosyunan na ang problema sa elektrisidad sa kanilang bayan at sa buong lalawigan ng Palawan.
Sinabi pa niya na sawang-sawa na raw sila sa madalas na brownout at blackout.
“Sawa na kami sa palaging brownout kaya sinusuportahan namin ang coal,” ani ni Farman. Hindi rin umano sila naniniwala na may masamang epekto ito sa kapaligiran at kalusugan ng mga nakatira sa pagtatayuan dahil base sa kanilang nakita sa isang coal plant sa Calaca, Batangas ay hindi ito nakakasama.
Iginiit niya rin na kaya nila ito inindorso noon o mabigyan ng barangay endorsement ay pumayag ang kanilang mga kabarangay matapos ipaliwanag ang kanilang nasaksihan sa Batangas.
Samantala, habang nagsasagawa ng rally ay dumating si Narra Vice Mayor Crispin Lumba at pinasalamatan niya ang mga residente sa pagsuporta sa planong itayong planta.
Ayon kay Lumba, babantayan nila ang DMCI na maipatupad lahat ng kondisyon sa Environmental Compliance Certificate o ECC.
Tiwala rin siya na gagawa ng paraan ang kompaniya para makakuha ng high quality coal kung sinasabing low grade ang coal galing sa Semirara Island sa Antique.
Kasabay ng rally ng mga pro-coal fired power plant ay nagsagawa rin ng isang dayalogo sa munisipyo ang mga tutol sa pagtatayo nito.
Ayon kay Joel Pelayo, spokesperson ng No To Coal Movement, inasahan na umano nila na may mga magpo-protesta laban sa kanilang layunin.
“Expected na naman ito. Inasahan na namin. Actually, karapatan naman nila na i-express ang side nila,” anya Pelayo.
Sinagot din niya ang pahayag ni Farman hinggil sa sinabi nito na ang lahat ng nagprotesta para sang-ayunan ang pagpapatayo ng Coal Fired Plant sa bayan ng Narra ay pawang mga residente ng Barangay Bato-Bato kung saan itatayo ang planta.
“I doubt it. Kasi personally nanggaling ako doon kanina, may nakita akong mga residente ng Panacan na kilala ko ng personal, bakit sila nandoon pero ang sinasabi nila lahat ay taga Barangay Bato-Bato?,” ani ni Pelayo.
Kanya ring pinaalam na siya ay mismong nagtungo sa rally ng mga pro-coal advocates kanina upang imbitahan ang mga miyembro ng barangay council ng Barangay Bato-Bato upang pumunta sa gaganaping forum at makipag-dayalogo, ngunit nabigo ito.
“Nandoon tayo kanina, I took the initiative personally na imbitahan ang mga miyembro ng barangay council nila pero as per Kapitan Ferrer, siya ang nakausap ko. They declined the offer. Ang sabi niya hindi daw muna, kasi magpapa-schedule sila ng dialogue with Mayor Danao together with us, and with Governor Alvarez,” anya ni Pelayo.
Samantala, dagdag ni Pelayo, hindi rin umano naka-apekto ang pag-rally ng mga pro-coal advocates ngayong araw sa layunin nila upang pigilan ang pagpapatayo ng planta sa munisipyo. Bagkus, ang kanila raw pinanghihinayangan ay ang pagkabulag ng mga taong ito sa kung ano ang epektong maaring dalhin ng planta sa kalusugan, sa kalikasan at sa kinabukasan ng mga kabataan.
“‘Yun ang nakakapanlumo. Pinaglalaban nila na ang barangay nila ay tahasang sumusuporta at sumasang-ayon sa pagpapatayo ng coal. Hindi nila alam, ang pinaglalaban namin ay ‘yung kapakanan ng buong Narra. Kasama sila,” ani ni Pelayo.
Discussion about this post