Nagtapos na ang unang parte ng imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiyal na pag-putol ng humigit-kumulang 40 puno ng Narra, Manggium at Mahogany sa Narra Ave. Barangay Poblacion, Narra, Palawan noong unang linggo ng Oktubre.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang pagputol sa mga nasabing puno na naitalang nasa mahigit 30 taon na ang tanda, dahil umano sa kawalan nito ng tamang “clearance” mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang pagputol ng nasabing mga puno ay naisagawa noong unang linggo ng Oktobre, ayon sa impormasyon mula sa lokal na Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng bayan ng Narra. Matapos maipost ang pangyayaring ito ng isang netizen sa social media, agad itong umani ng iba’t-ibang komento mula sa mga mamamayan at residente hindi lang ng nasabing munisipyo kundi pati na rin sa iba’t-ibang bahagi ng Palawan.
Ilegal na pagputol
Sa isang Sangguniang Bayan session na naganap noong Oktobre 29 na dinaluhan naman ng mga kawani ng DENR, kanilang itinalakay ang insidente dahil umano sa kawalan nito ng “proper clearance” mula sa kanilang ahensiya.
Ayon kay Leonard Caluya, officer-in-charge ng CENRO ng Quezon, nakatanggap umano na ng sulat mula sa Narra Local Government Unit (LGU) ang kanilang ahensiya na nagsasabing kanila umanong “tatabasan” lamang ang mga puno, at wala umanong binaggit na kanila itong tuluyang puputulin.
“Mayroong natanggap na letter ang ating MENRO office dito sa Narra pero ang naka-indicate doon ay ‘pruning of trees’ lamang [at] hindi totally pagputol,” ani ni Caluya.
“Nagpadala agad tayo ng mga tao doon sa area to investigate the matter. Napag-alaman natin na pinutol na pala, hindi lang pruning ang ginawa,” dagdag niya.
Ang pagputol ng mga puno ay hinango umano ng local government unit (LGU) ng Narra mula sa mandatong inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong linisin ang mga national roads sa mga bagay na maaring maging sagabal sa pag-gamit ng publiko sa mga daanang ito.
Dagdag dito, nilinaw naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi layunin ng mandato na palawakin ang mga national roads kundi linisin lamang sa anomang sagabal na nakapaloob rito.
Bago matapos ang Sangguniang Bayan Session noong Oktobre 29, nagbuo ng inter-agency team ang Narra na kinabibilangan ng mga lokal na kawani ng DENR, SB representatives, at Palawan Daily News upang mag-imbestiga sa pagputol ng mga nasabing puno sa Narra Ave.
Turuan
Kasunod nito, noong Nobyembre 5, nagsimula nang mag-imbestiga ang nasabing inter-agency team kaugnay sa insidente sa mga ahenisyang itinuturong may posibleng kaugnayan sa naganap na pagputol.
Unang pinuntahan ng grupo ang lokal na opisina ng Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO) at nakausap si Raymund dela Rosa, head ng nasabing opisina. Sa aming panayam, iginiit ni dela Rosa na ang tanging partisipasyon na ginampanan ng kanilang opisina ay ang pag-putol umano sa mga naitumba nang puno, upang mahakot ito ng truck at malinis ang daanan.
Dagdag din ni dela Rosa na ang kanilang opisina lamang ang mayroong chainsaw na maaring gamitin sa pagpipira-piraso ng mga naitumba nang puno.
“Ang participation lamang ng opisina namin doon ay nagpatulong sila na mag-clear ng mga naputol na puno doon since kami lang ang opisinang mayroong chainsaw na puwedeng gamitin, in short putol na ‘yung mga puno noong dumating ‘yung mga tao ko doon,” ani ni dela Rosa.
Kasunod nito, tinungo naman ng team ang opisina ng lokal na Municipal Engineering Office (MEO) upang kausapin si Engr. Edgardo Parco. Sa panayam ng team, itinanggi ni Parco na may kinalaman siya sa nasabing pagputol ng puno dahil wala na siya sa kapasidad na mag-utos sa kanyang mga tauhan dahil sa isang memorandum na kanyang natanggap mula kay Narra Mayor Gerandy Danao, na naglalahad na siya ay tinatanggalan na ng kapangyarihan sa mga tauhan at equipment ng kanilang opisina.
Ang memorandum, ayon kay Parco, ay kanyang natanggap noong Setyembre. Nakasaad din sa memorandum na ito mula sa alkalde na ang bawat tauhan at equipment ng lokal ng pamahalaan ay mapapasailalim na sa pamamahala ni Danao.
“I received a memo from the Narra Mayor’s office on September. Ang nakalagay po doon ay hindi na ako ang in-charge sa mga equipment at mga tao including sa mga employee ng motorpool,” ani ni Parco.
Nang tumungo ang team sa opisina ng naturang alkalde, amin itong nakapanayam, at dito, tahasan niyang itinanggi na siya ay walang alam sa nasabing pagputol sapagkat siya umano ay naka-leave noong mga panahon na iyon.
Kanya ring ipinaalam na noong mga panahon na iyon, ang naiwang Officer In-Charge (OIC) ay si Sangguniang Bayan Kagawad Ceferino Genovea.
Dagdag ni Danao, wala rin umano siyang alam sa sulat na ipinadala ng naturang kagawad sa DENR patungkol sa gagawing operasyon sa mga punong nabanggit.
“Three days ako sa Manila noon. Hindi ko alam kung may request na inilabas si Kagawad Pinoc. At hindi ko din alam na may order na inilabas si Kagawad sa DENR. Hindi ko rin alam kung ano ang sistema ng cutting na ýan,” ani ni Danao.
Taliwas ito sa naging pahayag ng naturang alkalde sa panayam sa kanya ng ABS CBN Palawan na umere noong Oktobre 23. Dito rin niya inaming siya ay may alam sa isinagawang pag-putol.
”Nagpaalam po ýung isang miyembro natin sa LGU na kailangan na talagang i-clear ýung area. Alam nila ýan. Nagpaalam po ýan diyan talaga sakanila. At saka hindi po natin basta-basta, hindi po gagawin nang mga tao ýan diyan na galawin ýan na hindi nakapag-paalam sakanila (CENRO). Alam naman po ng mga tao natin na hindi po basta basta ang magputol ng kahoy,”ani ni Danao
Inilahad din ng alkalde sa naturang panayam ng ABS CBN na siya ay tila napu-politika ng mga kasamahan sa munisipyo.
“Ano ang pinoproblema nila dito? Mapapansin mo ‘tong malalaking puno sa kalsada, itinumba nga ýan ng Newington wala man lang sinabi, wala man lang silang ginawang aksiyon. Ang lalaki ng mga puno na ýun, kasinlalaki ng drum. Maliliit lang ito, hindi ito ganoon kalakihang mga puno, Kasinlalaki lang ng katawan ko. At kailangan talaga siyang linisin dahil requirement ng DILG dahil kung hindi naming ito tatanggalin, tatamaan kami sa DILG, kakasuhan kami,” giit ni Danao.
Giit pa niya, siya umano ay nagtataka kung bakit ngayon lamang nag-react ang Sangguniang Bayan, DENR, at mismong barangay Poblacion patungkol sa isyu gayung ang mga opisina ng mga ito ay lubhang napakalapit sa lugar nang pagputol.
“Bakit noong mga panahon na ‘yan, nagtataka ako, wala man lang nakapansin na taga- DENR na nagka-cutting na ng mga puno wala man lang nagpa-hold? Dapat sana nagkaroon din ng apprehension mula sa DENR,” giit ni Danao.
Nagtaka din umano si Danao dahil wala man lang raw opisina ang nakapansin na pinuputol na ang mga naturang puno. Kasabay nito, siya ay nagpasaring ukol sa mga kasamahan sa politika na sumang-ayon sa pag-endorso ng Coal Fired Power Plant sa munisipyo.
“Saka ako, sa totoo lang, pag-uwi ko dito nakita ko naka-buwal na ‘yan eh. Araw-araw ako nasa Estrella Falls niyan eh. Kaya para sakin, parang napaka-mali naman na hindi ba nakita na may nagta-trabaho diyan? Hindi ba napansin ng SB ‘yan na may gumagawa diyan?” ani ni Danao.
“Dapat sana kung concerned sila, doon palang napansin na nila. Concerned pala sila sa nature, bakit kayo nagbubukas ng coal? Approve kayo ng approve sa coal itong nature hindi niyo maano, parang ako ang pinuputukan ng trabaho na ‘yan,” dagdag ni Danao.
Naglabas din ng tila sama ng loob sa mga kasamahan sa trabaho ang naturang mayor.
“Ako ang alam ko lang mag-trabaho dito, magpa-ganda lang dito, hindi ko gawain ýung manira ng kapwa. Mali, hindi tama. Nakakapikon kasi ýung ganoon na parang ako pa ang may kasalanan,”ani ni Danao.
Sagot ni Pablo Cruz ng Narra MENRO, huli na nang makatanggap sila ng report kasunod ang pagpapadala nila ng tauhan upang imbestigahan ang nangyaring pag-putol at mag-konsulta sa lokal na Sangguniang Bayan.
“Kung malapit ang DENR, mas malapit ang barangay, mas malapit ang munisipyo. Kami naman during that time, andiyan din ‘yung pagpa-practice ng motocross. Naka-kordon din ‘yung area. Walang nakarating na report sa amin na may ganoong activities,” ani Cruz.
Samantala, tinungo rin ng team si Narra SB Member Ceferino Genovea upang makapanayam hinggil sa nasabing isyu. Dito ipinaalam ni Genovea na siya ay naging OIC lamang sa loob ng tatlong araw (Setyembre 28-30) at itinanggi na siya ay may kinalaman sa nasabing pag-putol.
“Nangyari ang cutting, hindi na ako ang in-charge,” giit ni Genovea.
Konklusiyon
Bago magtapos ang buwan ng Nobyembre, nagdaos ng pormal na deliberasyon ang special investigation team sa mga ebidensiya at panayam na aming nakalap sa ilang linggong imbestigasyon.
Ayon kay Cruz ng Narra MENRO, ang report, na hiniling niyang wag munang isapubliko sa ngayon, ay kanila nang ipadadala sa tanggapan ng DENR Regional Office upang ang mga ito ang mag-desisyon sa kung sino ang dapat managot sa nasabing “ilegal” na pagputol.
Ang sinomang mapapatunayang may kinalaman sa nasabing insidente ay mahaharap sa kasong criminal dahil sa paglabag sa PD 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines at maari ding sampahan ng iba pang kasong administratibo.
Discussion about this post