Nagkaroon ng pagpupulong nitong Martes, Enero 24, ang Committee on Environmental Protection and Natural Resources at ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa kalagayan ng pagmimina sa bayan ng Brookes Point, Palawan.
Dumalo sa pulong sina Felizardo B. Cayatoc, ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), John Vincent B. Fabello ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Atty. Grizelda Mayo-Anda ng Environmental Legal Assistance Center (ELAC), Edna S. Velasco ng Provincial Environmental Management Unit (PEMU) – Palawan, Ivan Garcia ng DMCI Power Corporation at iilang mga kinatawan ng iba’t-ibang organisasyon mula sa Munisipyo ng Brooke’s Point Palawan.
Unang tinalakay sa isinagawang pagpupulong ang pagsunod ng DMCI sa mga kundisyong nakasaad sa Philippine Environmental Impact Assessment (EIA) System at pagkuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) upang mapayagang ipagpatuloy ang mga proyekto at operasyong may posibilidad na magdulot ng negatibong epekto sa kalikasan.
Ayon kay Anda, kanyang pinagdiinan ang kahalagahan ng pagtalima sa mga kundisyon ng EIA para sa kabutihan at kapakanan ng mga mamamayan ng Palawan.
Pinag usapan din ang patungkol sa mga hinaing ng mga naninirahan sa Brooke’s Point, na dumanas ng matinding pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan dahil sa Low Pressure Area (LPA) kamakailan.
Hindi naman napigilan na maglabas ng saloobin sina Job Z. Lagrada ng Conservation International Philippines Foundation Inc. (CIPFI), Mamilmar M. Dubria, IP Youth Leader, Norima M. Mablon, IP Women, at Sisang Dela Cruz ng Coalition Against Land Grabbing (CALG).
Humiling ang mga ito na magsagawa ng mga mabusising pag-aaral sa epekto ng labis na pangangahoy at pagmimina sa bayan ng Brooke’s Point.
Dagdag pa nila’y kailangan pang mas paigtingin ng PENRO at DENR ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan sa lugar dahil ayon sa mga naninirahan, hindi sila magdaranas ng sakuna kung tama at nasusunod sa batas ang pagkuha at paggamit ng mga likas na yaman sa munisipyo.
Kabilang sa pagpupulong ay sina Committee Chairman Board Member (BM) Ryan Dagsa Maminta, Committee Vice Chairman, BM Al Ibba, BM Jun Ortega, BM Winston G. Arzaga, at BM Aris Arzaga.
Discussion about this post