Sa halip na buksan muli sa quarry operation, mas mainam umanong mapanumbalik ang Ilog ng Caramay ayon sa kinatawan ng NGO sa Palawan Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB).
“Para sa akin, I will reject the application and I will recommend for rehab. Gusto kong ipa-rehab ang ilog,” ayon kay Boy Magallanes, pinuno ng Haribon-Palawan at itinalagang tagapagsalita ng PMRB, isang attached-agency ng DENR.
Aniya, kabisado niya ang sitwasyon ng Caramay River sa Brgy. Caramay, Roxas, Palawan dahil nagpabalik-balik na umano siya roon noong binuo nila ang marine protected area sa naturang barangay.
“Alam ko, sira na ‘yang Caramay [River] na ‘yan,” dagdag pa niya.
WALANG REHABILITASYON
Binigyang-diin ni Magallanes na sa guidelines ng pagku-quarry ay dapat mapanatili ang 10 metrong buffer zone na dapat mapagtamnan ng mga puno o kawayan.
“Walang rehabilitation diyan. Malaki na ‘yong delta na tinatawag, saka malalim na. Ang quarrying kasi, you have only to maintain one meter riverbed depth—eh! Lagpas na ata [‘yan] ng tatlong tao kapag nag-high tide ang dagat,” dagdag pa niya.
Wala ring paligoy-ligoy na tinuran niyang may financier na malalaking kontraktor at pulitiko ang ganitong aplikasyon at ang gravel and sand business ay bahagi na ng pulitika.
“Ang iniiwasan natin diyan, dahil lumalaki na ‘yung ilog, malakas ‘yong sedimentation— papunta ‘yon sa coral reefs at magkakaroon ng smothering effect sa coral reefs ‘yong mga sediment, hindi na makahihinga ang ating mga coral polyps—mamamatay sila. Hindi na makaka-photosynthesize ang ating coral polyps, mamamatay [sila], tapos ‘yong temperature na mataas—totally, mamamatay [ang naturang mga hayop],” paliwanag naman ni Magallanes sa epekto ng sedimentasyon sa mga bahura.
Matatandaang naging maugong sa social media ang isyu ng aplikasyon ng commercial quarry operation sa Caramay River matapos na manawagan ang lider ng One Palawan Movement ng Roxas na matulungan silang ipatigil ito.
Hinaing ng pamunuan ng barangay at ilang grupo ng mga mamamayan, ayaw na nilang buksan itong muli sa quarry operation dahil sa dinanas nila noong mga pahirap kaya naghain sila ng resolusyon na tumututol dito.
Ngunit ayon sa tagapagsalita ng PMRB, kapag sa barangay level pa lamang ay mayroon nang ordinansa at resolusyon ay hindi na makauusad ang aplikasyon para sa pag-quarry.
Hiningi na rin umano niya ang kopya ng resolusyon upang maging batayan ng PMRB sa pagsasagawa nila ng rehabilitation plan.
Nilinaw din ni Magallanes na kahit inendorso na ng mga sanggunian ang isang quarry application at nakita ng PMRB na hindi akma sa lugar ay ibabasura pa rin nila ang aplikasyon.
“Pag makita naming devastated ang lugar, ire-reject pa rin namin. Kami kasi ang may final say,” aniya.
TUGON NG ELAC
Sa paghingi naman ng tulong ng Caramay official sa Environmental Legal Assistance Center, ayon kay ELAC Executive Director Atty. Gerthie Anda, mas mainam na magpasa ng ordinansa ang barangay upang mas matibay ang kanilang posisyon. Aniya, ito ay dahil baka pumayag ang munisipyo at lalawigan dahil ang pinapayagan ngayon ng DENR ay ang pagsang-ayon ng dalawa sa tatlong Konseho.
“Para mas matingkad ‘yan, gawin nila ‘yong ginawa ng Brgy. San Juan sa Aborlan na nagpasa ng ordinance banning coal [plant]… that is a much better solution,” ani Anda.
Ngunit nilinaw niyang sa sitwasyon ngayon ng Caramay na tumutol mismo ang Barangay Council, aniya, kung uusad man ito sa munisipyo ng Roxas ay pwedeng magreklamo ang buong barangay at ipadala ang kopya nito sa DILG, Provincial Government, PCSD, DENR, at PMRB.
At binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng public hearing at public consultation na nakasaad sa Local Government Code. Ito umano ay upang maipakita ng mga mamamayan ng barangay ang kanilang agam-agam, gaya ng epekto sa Caramay River.
“Kung walang proof na hindi malalagay sa panganib ‘yong Caramay River, ay ‘wag ituloy! Hindi nga napanagot ‘yong dating [nagsagawa ng] quarry operations [diyan],” pananariwa pa ni Anda.
Aniya, 20 taon na ang nakalilipas nang nagpatulong sa ELAC ang Caramay Coffee Planters Multi-Purpose Cooperative upang hindi matuloy noon ang aplikasyon at nagwagi umano sila.
Nakahanda naman umanong tumulong ang ELAC kahit sa gitna ng pandemya gaya noong nakaraang taon na may dalawang quarry operation silang napahinto. Aniya, sumulat lamang sila sa ELAC upang susugan din ng kanilang grupo ang kahilingan ng barangay.
Discussion about this post