Naging matagumpay ang katatapos lamang na 39th Annual General Membership Assembly (AGMA) Meeting ng Palawan Electric Cooperative (Paleco) na ginanap sa Puerto Princesa City Coliseum noong Nobyembre 16, 2019.
Dumalo sa pagpupulong ang mahigit sa 6,000 katao na mula sa lungsod ng Puerto Princesa, Bayan ng Aborlan at mga karatig na munisipyo.
Sa panimula ay hinamon ni City Mayor Lucilo Bayron ang pamunuan ng Paleco na mas pag-ibayuhin pa ang ginagawang pagpapaunlad sa distribution lines para maiwasan ang pagkawala ng daloy ng kuryente na nararanasan sa siyudad.
Bilang tugon ay nilatag ng Paleco ang mga nagawa na umano nilang pagpapaunlad sa mga linya ng kuryente, ang ilan pang mga plano at mga ginagawang hakbang. Ayon kay Paleco Acting General Manager Nelson Lalas, dahil sa Task Force Kapatid Program ay tumutulong ngayon sa Kooperatiba ang ibang mga electric cooperative sa bansa gaya ng sa paglilinis ng linya ng kuryente, sa pagpapalit ng sirang mga poste at marami pang iba.
Ibinida rin niyang sa kasalukuyan ay nasa 4,200 metro na umano ng linya ng kuryente ang insulated na o de-balot na dating mga hubad lamang na mga linya ng kuryente.
Aniya, ilan din sa nakalatag na nilang mga plano upang maiwasan ang brownout at blackout ay ang paglalagay ng dalawang 5MVA substations sa Lungsod, isa sa gawing norte at isa rin sa gawing sur na kung saan, nagkakahalaga ang bawat isa ng P32 milyon. Nang sa gayon umano, kapag magkaroon ng problema ay hindi na maaapektuhan pa ang mga kabayanan na posible nang mapakinabangan sa susunod na taon.
Magtatayo rin aniya ng 7MW na planta sa bayan ng Brooke’s Point at 4 MW sa Roxas na posibleng mapakinabangan ngayong buwan ng Disyembre 2019.
Naglaan din umano ang Paleco ng pondo para sa SCADA system na batay sa pag-aaral ng DOE ngayong taon ay makatutulong para maibsan ang problema sa power interruptions.
“Tiningnan nila ang problema ng distribution system, s-in-egregate nila kung ano ang problema ng generation,transmission at distribution [lines]. Tiningnan din nila ang strength ng power supply ni Paleco [at] nakita nila na may kakulangan. For example is on vegetation, may isyu sa transmission,mayroon din sa generation at isa sa recommendations ng Department of Energy sa analysis nila, actually [ay] mag-implement ng SCADA system, hindi lang mag-isolate ng feeders o hindi lang para mapadali na ma-energize ang system kundi para rin ma-monitor ang frequency at lahat ng parameters ng power system ng Paleco, ng Puerto Princesa, ng Palawan. [Ito ay] para hindi po…bumagsak ang system at para ma-meet lahat ng standards sa distribution system. Isa ito sa recommendation ng joint evaluation ng DOE,NEA AT NPC,” paliwanag naman ni NEA Deputy Administrator Artis Nikki Tortola.
Sa kabilang dako, napagkasunduan din sa pulong na ibalik sa Trust Fund ang P6,000,000 naka-time deposit sa banko, batay na rin sa rekomendasyon ng Cooperative Development Authority (CDA).
Nagpasa rin ang Kooperatiba ng resolusyon na humihiling sa DOE na huwag ituloy ang planong pagtanggal sa sabsidiya na ibinibigay ng pamahalaan para hindi tumaas ang bayarin sa kuryente.
Paliwanag ni Paleco Board of Director Chairman Jeffrey Tan-Endriga, ang dahilan kung bakit may natatanggap na sabsidiya ang mga taga-Palawan ay dahil sa hindi ito nakakunekta sa main grid ng Pilipinas na kung saan ay mura ang kuryente na umaabot lamang sa P3 kada kilowatt habang ang bili ng Paleco sa mga power provider ay umaabot P7-P8 ang halaga.
“So entitled po tayo nito kasi deprieved po tayo doon sa serbisyo ng main grid– Luzon, Visayas at Mindanao kung kaya marapat lamang na ipaglaban natin ang ating sabsidiya na gustong alisin ng DOE,” giit pa ni Endriga.
Sa gitna naman ng pulong ay may ilang miyembro ang nagreklamo matapos hindi makakuha ng P300 na insentibo.
Reklamo nila, ganap na 10:00AM pa lamang sila ng umaga nang pumila ngunit pagdating sa registration table ay sinabihan umano silang wala nang maibibigay sa kanila.
“Alam ng Paleco kung ilan ang consumer nila, ‘yun ang bigyan nila….Alas diyes pa kami [rito]…tapos pauwiin [kami nang walang dala!?]. Gusto kong maglaot [kanina] sabi ni misis ‘Mamaya na sayang ang P300’ tapos wala [rin pala]!? Sayang pa rin ‘yun. Sana nagsabi agad [sila] para makatrabaho pa [kami] ng iba,” saad ng nagngingitngit na si Arman Biyarag ng Bgry. Tagburos, Puerto Princesa City.
Paliwanag naman ni Paleco Member Services Manager Mary Eustelia Bundac, P1,800,000 lamang ang kanilang inilaan para sa mauunang 6,000 member-consumer-owners at maaga rin umano nilang inanunsiyo na limitado lamang ito. Ngunit nilinaw niyang ang lahat naman ng mga dumating at nagparehistro ay nakasali sa raffle draw.
Maliban naman dito ay may ilang dumalo ang kinailangang alalayan tulad ng isang matanda na nanikip ang dibdib at muntik nang himatayin dahil sa nawala umano ang kanyang wallet na may lamang mahigit P7,000. Sa kabutihang-palad ay agad siyang inalalayan ng mga volunteers ng Philippine Red Cross-Palawan.
Magkagayunpaman, umuwi nang may ngiti sa mga labi ang mga dumalo, bitbit ang mga napanalunan sa raffle draw tulad ng motorsiklo, washing machine at maraming iba pa.
Discussion about this post