Nasa mahigit 160 na estudyanteng Palaweño ang napili at tinanggap ng Palawan Group of Companies (PGC) bilang bahagi ng kanilang Scholarship Program para sa Batch 29 ng School Year 2026-2027.
Ang mga napili ay pawang mga mag-aaral mula sa Palawan State University (PalawanSU) at Western Philippines University (WPU).
Ayon kay PGC Chairman at Founder Bobby L. Castro, ang mga pinipiling scholars ay hindi umano nila kamag-anak at maging ng kanilang mga empleyado. Ang mga ito umano ay pinipili base na rin sa scholastic record, antas ng pamumuhay, at grado sa report card ng aplikante.
“Ang mga pinipili naming scholars ay hindi namin kamag-anak, hindi kamag-anak ng mga empleyado, mga hindi namin kilala. Mga karapat-dapat na students na galing sa iba’t ibang parts ng Palawan,” saad ni Castro sa isinagawang press conference noong Lunes, Agosto 31, sa PGC headquarters.
Mismong si Deputy Chairman at Co-founder, Angelita Castro, umano ang sumiyasat at pumili sa 160 kwalipikadong scholars mula sa mahigit 1,600 na aplikante para sa kasalukuyang batch. Ayon sa kaniya, naging mahirap ang pagpili dahil marami sa mga aplikante ang kwalipikado para sa programa.
“Si AMC [Angelita Castro] binabasa niya talaga lahat ng mga applicants. Nitong huli dalawang box ng applicants. Sabi niya, ‘Ang hirap naman piliin [kasi] lahat sila qualified,’ kuwento pa ni Castro.
Taong 1998 nang ilunsad ng PGC ang scholarship program na mayroon lamang 10 scholars. Kalaunan ay lumaki ito at nadagdagan ang mga estudyante na gustong maging bahagi ng PGC’s Scholarship Program sa ilalim ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng kumpanya.
Sa kasalukuyan, ipinagmamalaki ng PGC na umabot na sa 900 scholar-graduates ang natulungan sa ilalim ng programa.
Para kay Angela Villanueva, CSR Head ng PGC, sumasalamin ang 900 graduates sa hangarin ng kumpanya na makatulong sa mga estudyanteng Palaweño upang matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Binanggit din ng Chariman na hindi umano obligado ang mga graduates na magtrabaho sa kanilang kumpanya bagkus ay ipamalas lamang ang kanilang mga natutunan sa pag-aaral at maging mabuting ehemplo sa kapwa estudyante. Kung sakaling naisin umano ng mga ito na pumasok sa PGC ay prayoridad ito ng kanilang kumpanya.
Hindi rin umano nagtatapos sa pagbibigay ng educational assistance ang suporta ng PGC sa mga scholar. Ginagabayan din sila ng kumpanya sa kanilang paghahanda para sa trabaho, kabilang ang career guidance at iba pang kaugnay na programa.
Samantala, taong 1985 nang itatag ang kauna-unahang branch ng Palawan Pawnshop sa Puerto Princesa. Ngayon ay lumaki ito at tinawag ng Palawan Group of Companies kung saan nakapaloob ang Palawan Pawnshop, Palawan Express Pera Padala, at PalawanPay.














