NARINIG na natin ang mass killings sa panahon ng mga Nazi sa ilalim ng pamumuno ni Adolf Hitler pero lingid sa ilan na mayroon ding kasing kagila-gilalas na naganap sa Palawan noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas.
Ang Plaza Cuartel na matatagpuan sa Taft St., lungsod ng Puerto Princesa ay kilala kayong pasyalan sa siyudad at isa sa mga itinerary sa city tour package ngunit ang lugar na ito ay saksi sa pagsunog ng buhay sa nasa 150 prisoners of war (POW) noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang makasaysayang pook na ito ng lungsod na harap sa Puerto Princesa Bay ay ang dating World War II garrison at inayos lamang bilang pagkilala sa mga biktimang POWs na ngayon ay isa na sa mga museo sa lungsod.
Disyembre 14, 1944 nang buhay na sinunog ang mga bihag na mga sundalong Amerikano at Pilipino, na kung saan 143 ang binawian ng buhay at tanging 11 lamang ang himalang nakaligtas.
Nakakulong sila sa piitan sa underground ng nasabing Tanggulang Militar kung saan doon ay naranasan nila ang gutom at kalaunan ay pagsunog sa kanila ng buhay ng Imperial Japanese Army. Ang mga nakatakas ay nakaligtas lamang sa pamamagitan ng paglangoy sa dagat patungong Iwahig makaraang makalabas sa kabilang dulo ng tunnel. Kaya bilang pagpupugay sa mga nagbuwis ng buhay, makikita ngayon sa gitna ng Plaza Cuartel ang isang memorial marker kung saan ay nakasulat doon ang mga pangalan ng mga POWS.
Sa itaas naman nito ay isang massacre monument na gawa ni Don Schloat, isang World War II veteran at isa sa mga survivor ng nangyaring mass killings, na nagpapakita ng taong nakakadena at tila namimilipit sa sakit—nagpapamalas ng paghihirap at sakit na dinanas nila nang makulong at sunugin sa lugar.
Makalipas ang ilang taong nakalibing lamang sa isang sementeryo sa lungsod, taong 1952 nang kunin ang mga labi ng mga sundalong Kano upang ihimlay sa St. Louis County sa panlahatang libingan sa Jefferson Barracks National Cemetery, Missouri sa Estados Unidos.
May kwento naman ang ilang nagbabantay doon na minsan ay nakararanas umano sila ng di-maipaliwanag at kakaibang mga karanasan gaya ng mga yabag ng paa, at kung may gagamiting gamit sa isang silid malapit sa gate ay kailangan nilang magpaalam muna sapagkat mayroon umanong “nagbabantay”. Ilang taon na rin ang nakalilipas nang sa tuwing ginugunita ang kasarinlang nakamit ng lalawigan ng Palawan tuwing Abril kada taon ay hindi nakaliligtaan ng City Government at Provincial Government na magsagawa ng programa rito at mag-alay ng mga bulaklak sa mga yumaong bayani na nakipaglaban upang makamit muli ng Palawan at ng buong bansa ang kalayaan.
Discussion about this post