Isang oras bago mag-alas kuwatro ng madaling araw gising na siya upang pumalaot at para makahuli ng mga isdang pangkain at pangbenta. Pagkalipas ng halos 12 oras sa gitna ng dagat, kahit pagod at gutom, dala-dala nya ang mga kilo-kilong isda – sapat na para pagkitaan ng konting pera at pagkain para sa mga susunod na araw.
Sa nakalipas na tatlong dekada, ito ang naging buhay ni Tatay Zaldy Janaban, isang mangingisda sa bayan ng Araceli, Palawan, na masigasig na nagtataguyod ng kanilang pamilya kasama ang kaniyang butihing maybahay na si Nanay Shenandoah Nemiada Janaban.
“Kailangan talaga matiyaga at masipag. Kung wala kang tiyaga, talagang wala. Pag tamad tamad ka talagang hindi ka kikita ng pera,” saad ni Tatay Zaldy sa panayam ng Palawan Daily News.
Sa paglipas ng maraming taon, tila nababawasan ang dami ng isdang nahuhuli dahil na rin diumano sa mga ilegal na pamamaraan ng pangingisda.
“Kung minsan marami ang huli namin, kung minsan wala rin; kasi depende sa agos. Malaki ang pinagbabago. Kasi noon, medyo maraming isda at madaling hulihin. Ngayon parang konti nalang dahil nga epekto siguro ng mga paputok at tsaka cyanide (fishing),” pahayag nito.
Aniya, dapat mas maging maigting ang pagpapatupad ng mga batas laban sa ilegal na pangingisda, lalong lalo na ang pag gamit ng dinaminta.
“Dapat itong cyanide na ‘yan sugpuin nayan, ‘tsaka yung dinamita na ‘yan. Kasi iyan ang nag-ubos ng isda natin sa karagatan. ‘Yung legal na pangingisda natin iyung anuhin natin sa hanapbuhay hindi ‘iyung mga ilegal na ‘yan. Kasi maubos ang isda natin dito sa karagatan,” dagdag ni Tatay Zaldy.
Pangingisda ang isa sa mga pangunahing pagkakikitaan ng mga residente sa bayan ng Araceli, isa sa mga 23 na bayan ng Palawan.
Ayun sa census ng Philippine Statistics Authority nong 2015, mayroong halos 15,000 na naitalang mga populasyon sa nasabing bayan.
Kabilang ang Araceli sa 4th class municipality sa bansa at mayroon itong kita na humigit kumulang P71.7 million noong taong 2016.
Dahil sa pangingisda, dalawang anak ni Tatay Zaldy ang nakapagtapos na sa kolehiyo.
“Dalawa na ‘yung nakatapos sa panghuhuli ng isda – hanapbuhay namin. Ang tinapos ng anak ko ay ‘yung si John, marine engineering, at tsaka si Kent ay architecture. ‘Yun lang po ang hanapbuhay naming pangingisda.”
May mensahe din si Tatay Zaldy para sa kanyang anak, “Unang-una sa mga anak ko, sana bago kayo magpamilya, sana gumanda rin sana ang buhay niyo. Sana wag kayo matulad sa amin na mahirap lang talaga buhay namin.”
Malaki ang kaniyang papasalamat dahil sa sipag at tiyaga, hindi hadlang ang kahirapan sa buhay na maatim ang mga pangarap. At ang pagiging mangingisda sa tamang paraan ay isang marangal na trabaho na makapag pundar ng maayos na pamilya.
“Bahay, bangka, ‘tsaka nakapatapos ng dalawang anak. ‘Yan ang napundar ko sa aking paghahanabuhay sa isda.”
Sa ngayon, pumapalaot pa din si Tatay Zaldy kasama ang kaniyang mga katulong sa pangingisda. Gumigising pa din sya ng maaga at habang malakas pa ang katawan at habang may mga isda sa karagatan, patuloy ang hanapbuhay ng marangal para sa kinabukasan ng kaniyang pamilya.
Discussion about this post