Kamakailan lang ay nagviral ang Facebook post ni Desiree Negapatan ukol sa 60-anyos na si Ricardo “Carding” Anore na piniling maglakad mula sa Lungsod ng Puerto Prinsesa papunta sa Bayan ng El Nido. Nakilala ito ni Desiree at ng kaniyang mga kapatid na sina Hazel at Heshen Negapatan nang lumapit at humingi ng tulong sa kanila si Tatay Carding sa kasagsagan ng North National Highway, Bgy. San Jose noong Nobyembre 25.
Sa pakikipag-usap ng Palawan Daily News kay Tatay Ricardo Anore, napag-alaman na isang napakahabang kalbaryo ang kanyang tinahak.
Si Tatay Carding
Si Tatay Carding ay pang-lima sa kanilang walong magkakapatid. Bilang isang mapagmahal at mapagbigay na kapatid ay ginawa niya umano ang lahat para alagaan ang mga ito, ngunit nang hindi na niya kayang sustentuhan ang kanilang mga pangangailangan ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang pamilya.
Dahil umano sa kwento ng kanyang mga kakilala na maraming magagandang oportunidad sa Kamaynilaan ay naisipan niyang lumuwas patungo doon at makipagsapalaran noong taong 2006. Kwento pa ni Tatay Carding, nang makarating ito sa Maynila ay iba’t ibang trabaho na ang pinasok niya upang maitaguyod ang sarili at ang kaniyang pamilya tulad ng pagiging tricycle driver, dishwasher, taga-alaga ng bata at tindero.
Sa paglipas ng panahon, ninais naman niyang sumubok ng ibang oportunidad, kaya nakarating ito sa El Nido matapos malaman na maganda rito at dahil na rin sa turismo.
Buhay sa El Nido
Noong taong 2017 ay nakarating na si Tatay Carding sa Bayan ng El Nido. Dito, nanirahan siya sa kaniyang mga nakilala at kakilala. Naging maayos naman ang kaniyang pamumuhay doon, at marami siyang nakilalang may magandang loob na tumulong sa kaniya. May mga nagbigay sa kaniya ng pagkain, masisilungan, at tulong pampinansyal upang makasimula ito ng sariling negosyo. Bilang kapalit naman ay tumatanggap siya ng iba’t ibang trabaho mula sa mga nagpapaabot ng tulong, tulad ng pagbabantay ng tindahan at iba pa.
Nang dahil sa pandemya, natigil ang pangunahing kabuhayan ni Tatay Carding at ng mga tumutulong sa kaniya kaya naman naisipan nitong tumungo sa lungsod ng Puerto Princesa dala lamang ang katangi-tanging pera na P1,000 pampuhunan.
Mga dinanas sa Lungsod ng Puerto Princesa
Binalak ni Tatay Carding na magbenta ng face shields pagdating sa lungsod gamit ang kaniyang pampuhunang perang dala.
Sa kasamaang palad, hindi naging matagumpay ang kaniyang pagbebenta. At tuluyang naubos ang kaniyang pera kaya wala na siyang ibang magawa kundi manatili sa lungsod dahil wala na itong pamasahe pabalik sa El Nido.
Bago pa nito makilala ang magkakapatid na Negapatan ay wala siyang sariling tirahan, pagkain, at pera kaya’t natutulog na lamang sa lansangan ang 60-anyos na lalaki.
Aniya, sinubukan naman nitong humingi ng tulong sa ilang mamamayan ng lungsod ngunit walang nais tumulong sa kaniya, kaya nagsimula na siyang panghinaan ng loob. Dahil dito ay napagdesisyunan na niyang lakarin ang daan mula Puerto Princesa hanggang El Nido.
Ang viral na kwento ng pagkikita nina Desiree at Tatay Carding
Sa patuloy niyang paglalakad sa kahabaan ng North National Highway ay sinubukan nitong muling humingi ng tulong sa magkakapatid na nakita niya. Nang lapitan ni Tatay ang magkakapatid na sina Desiree, Jay at Heshen Negapatan noong Nobyembre 25 ay tila hulog ng langit ang tatlo dahil agad na nagbigay ng tulong ang mga ito.
Sa mismong araw na iyon ay pansamantalang binigyan ng tahanan nina Desiree si Tatay Ricardo sa kanilang bahay sa Baranggay Lucbuan.
Matapos marinig ang kwento ni Tatay Carding, naantig ang puso nila kaya’t naman nabuo ang desisyon ng magkakapatid na tulungan si Tatay Carding upang makauwi na ito sa kaniyang pamilya sa Laguna na 14 taon na niyang hindi nakikita. Ipinaalam ni Desiree ang kwento ni Tatay sa kaniyang Facebook profile, kung saan umani naman ito ng likes, comments, at shares.
Dahil sa viral post na ito ay nahanap si Tatay Carding ng kaniyang kapatid sa Laguna. Nang magkausap sila ay napag-alaman niyang matagal na pala siyang hinahanap.

Sa ngayon ay marami nang nagpaabot ng tulong upang makauwi ito sa kaniyang probinsya. Dahil may nag-isponsor na sa kaniyang ticket pabalik ay kagustuhan na lamang ng magkakapatid na Negapatan na siguraduhing may magiging kabuhayan tulad ng sari-sari store ang ginoo doon, kaya naman sa ngayon ay lumilikom sila ng donasyon.
Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring makausap si Desiree Negapatan sa kaniyang Facebook account. (https://www.facebook.com/desiree.negapatan.52) Maaari rin silang maabot sa numerong +63 935 508 0862.
With reports from Dietroi Rubio Dimanalata
Discussion about this post