Nominado ang isla ng Palawan para sa prestihiyosong parangal na “Most Desirable Island” sa 22nd Wanderlust Reader Travel Awards na mula sa Wanderlust Travel Magazine, ang pangunahing travel magazine sa buong United Kingdom (UK).
Ang pagiging nominado ng Palawan sa nasabing kategorya ay nagpapakita ng malaking pagkilala sa kagandahan at kasaysayan ng isla, at sa kakayahan nitong magbigay ng kamangha-manghang karanasan sa mga bisita nito. Kilala ang Palawan sa malinis na mga dalampasigan, karagatang puno ng buhay, at mga biyayang likas.
Ang mga Wanderlust Reader Travel Awards ay itinuturing na isa sa mga pinakaprestihiyosong gawad sa industriya ng paglalakbay, kung saan binibigyang-pansin ang mga destinasyon na pinahahalagahan at nire-respeto ng mga manlalakbay hindi lamang sa UK kundi maging sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Bukod sa Palawan, nominado rin ang Cebu bilang Most Desirable Region (Rest of the World), at ang Pilipinas bilang Most Desirable Country (Rest of the World), at Most Desirable Country sa mga kategorya ng Adventure, Nature and Wildlife, Culture and Heritage, Gastronomy, Sustainable Experience.
Maaring bumoto sa website ng Wanderlust sa link na ito: https://wanderlusttravelawards.com/
Discussion about this post