Dagsa na ang mga bumibili ng mga kakanin sa Old Public Market ng Puerto Princesa City ngayong papalapit na ang Undas.
Ayon kay Dexter Villanuava, isa sa nagtitinda ng kakanin, marami na umano ang mga bumibili sa kanilang tindahan ilang araw bago ang pista ng mga patay.
Ilan sa mga mabentang kakanin ngayon ay ang caryuca, cassava cake, biko, puto at espasol na pare-parehong tig-P5 lang ang bawat piraso.
Sinabi naman ni Annabelle Nepomuceno na mabenta na rin ang kaniyang mga paninda tulad ng nilupak na saging, sinakol at maruya na tig-P5 lang rin bawat isa gayundin ang baye-baye at balesungsong na tig-P10 naman bawat isa.
Sinabi pa ng mga magtitinda na kung ikukumpara ang kanilang benta noong nakaraang taon ay mas malaki ang benta ngayon.
Umaasa naman sila na mas lalago pa ang kanilang benta sa pagsapit ng Undas dahil ang ilang mga residenteng tinatamad na magluto ng kakanin ay siguradong sa kanila bibili.
Kaugnay nito sinabi ng mamimiling si Nancy Laso ng Bgy Tiniguiban na simula pa noong bata pa siya ay naghahanda na sila tuwing Pista ng Patay dahil sa paniniwalang dumadalaw ang mga kaluluwa ng mga namatay.
“Kasi sabi dumadalawa ang mga kalag-kalag pagnag-alay,” giit pa niya.
Kaya ngayong 11 taong biyuda na siya ay ipaghahanda niya ng biko ang kaniyang mister dahil paborito niya ito.
Matatandaang karaniwan na sa pamilyang Pilipino ang paghahanda ng mga kakanin tuwing Undas.
Discussion about this post