Aprubado na ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez ang resolusyong ipinasa ni Palawan Liga President Board Member Ferdinand “Inan” Zaballa na nag-uutos sa agarang pag-apruba ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Vicente ang pag-upo ng kapitan na si Cesar Caballero bilang ABC President ng bayan dahil sa ilang buwan nang pagkakabakante ng nasabing posisyon dulot ng pagkaka-aresto kamakailan ni Kapitan Lovicel Bonggat.
Noong nagdaang buwan ay naglabas ng hinaing sa social media ang alkalde ng naturang bayan na si Mayor Amy Alvarez dahil umano sa delay na pag-apruba ng pagkakaupo ni Caballero at pagkakabakante ng posisyong ABC President sa naturang bayan.
Bagaman ay agad namang inaprubahan ng opisina ng National Liga ang nasabing pagpapalit ay dahil umano sa pulitika ay hindi inaaprubahan ng ilang miyembro ng SB San Vicente ang pagkaka-appoint ni Caballero.
Ayon naman kay Zaballa, ang pagkawala ng ABC President ng naturang bayan ay hindi patas para sa posisyon ng mga barangay sa munisipyo. Giit niya, magdudulot ito ng pagka-antala ng mga serbisyo sa mga barangay ng naturang bayan kung kaya’t agad niya itong inaksiyunan sa Sangguniang Panlalawigan.
“Hindi puwedeng matagal na bakante ang representation ng ABC President kasi unfair ‘yan sa parte ng mga barangay. Lahat apektado,” ani Zaballa.
Ayon sa kopya ng resolusyon na nakuha ng Palawan Daily, walang ibang dokumento ang kinakailangan pang ipasa ni Caballero sa kanyang pagkaka-upo sa bakanteng posisyon sapagkat siya ay sinuportahan at inendorso na ng National Liga na sumasaklaw sa kapisanan ng mga kapitanes sa buong bansa.
“The assumption of ex-officio member of the sangguniang bayan, upon confirmation of the National Liga Executive Board, does not require any other requirements thus making the Liga President an automatic member of the Sanggunian,” ayon sa resolusyon.
Samantala, matatandaan namang ilang buwan na ang nakalipas ay nadawit at naaresto ang noo’y tumatayong ABC President ng bayan ng San Vicente sa paglabag ng RA 9156 o Anti-Drug Law, dahilan upang tuluyan ngang mabakante ang ang nasabing posisyon.
Sa ngayon ay inaasahan ng Sangguniang Panlalawigan na aaprubahan na sa lalong madaling panahon ng mga miyembro ng SB San Vicente ang pag-upo sa puwesto ni Caballero.
Discussion about this post