“Oo nga eh kahit ako [parang napapagod na], syempre yung mental [at] physical fatigue ng mga frontliners natin talagang parang pigang-piga na,”
Ito ang inamin sa Palawan Daily News ni Dr.Ricardo Panganiban, City Health Officer at Puerto Princesa City-COVID-19 Vaccination Council (PPC-COVAC) Chairman, sa sitwasyon ngayon ng ilang mga health worker at mga frontliners sa mahigit isang taon at patuloy na paglaban sa pandemya.
“Kaya lang wala eh, kailangang [tuparin ang tungkulin] otherwise walang gagawa. Encourage lang natin sila (frontliners) that’s the most we can do at this point. Sana yung ginagawa namin wag naman masyadong [maliitin], wala naman kaming ginagawa na makakasama sa community.” Dagdag pahayag ni Panganiban.
Hindi rin nalalayo dito ang nararamdaman ng mga health worker sa Bayan ng Coron, kung saan sila mismo ang gumagawa ng paraan para palakasin ang loob ng mga kasamahan dahil alam umano nila na malaking responsibilidad ang ginagampanan.
“May mga frustration talaga, natural lang po yun, minsan magkaroon tayo ng COVID fatigue na para bang tanggap na natin na ito talaga ang buhay. Pero sa aming opisina, linggo-linggo every Monday po nag-uusap kami para lang po i-push ang morale noong mga frontliners at saka ipa-feel sa kanila na iisa kami. At lahat kami ay tulong-tulong, sama-sama sa laban na ito. Kasi wala din pong maaasahan, kailangan talaga ang frontliner sa health, kami talaga ang unang haharap sa laban na ito sa COVID” pahayag ni Dr. Alan Guintapan, Coron Municipal Health Officer.
Samantala humingi naman sila ng suporta sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinatutupad na minimum health standards.
Discussion about this post