Matagumpay na nagbahagi ng iba’t ibang tulong sa isinagawang “All-in-One Bayanihan” outreach program ang Go Share Philippines, katuwang ang
Tactical Operations Wing West (TOWWEST) ng
Philippine Air Force, Pamahalaan ng Bayan ng Roxas, at iba pang kapartner na mga indibidwal at organisasyon noong Hulyo 19 hanggang 20, 2024 sa Bayan ng Roxas, Palawan.
Humigit sa 17,000 mga Palaweño ang nabiyayaan ng serbisyo tulad ng konsultasyong medikal para sa mga bata, matatanda, at buntis; konsultasyon at operasyon sa mata; tuli at iba pang minor surgeries; dermatology at dental consultations; bunot ng ngipin, libreng gupit, veterinary services, pagsusuri sa TB, Malaria at HIV, libreng face painting at photo booth, at iba pang pangunahing serbisyo.
Maliban pa riyan nakatanggap din ng iba’t ibang donasyon tulad ng mga gamot at vitamins, mga delata, damit, sapatos, tsinelas, at school supplies ang natanggap ng mamamayan.
Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Roxas sa pamumuno ni Mayor Dennis M. Sabando ay lubos ang pasasalamat lalo’t higit ng mga mamamayan nito sa mga tulong at serbisyong natanggap mula sa Go Share Philippines, AFP-PAF, at iba pang volunteer na organisasyon at indibidwal.
Ang Philippine Air Force, Tactical Operations Wing West, at iba pang kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Palawan ay patuloy na tutulong sa pagbabayanihan upang maghatid ng tulong at serbisyo para mapanatili ang kaunlaran at kapayapaan sa lugar.
Discussion about this post