Sa layuning mas lalo pang mapalawak at mapabilis ang internet at access sa bansa, muling binuhay ni Sen. Grace Poe ang panukalang batas para dito.
Ang panukalang batas ni Poe ay tinaguriang “Better Internet” bill na nagnanaisa ng mabilisang aksyon mula sa mga internet service providers (ISPs) para palawakin ang sakop ng kanilang serbisyo, kasabay ng pagsisiguro ng minimum at maaasahang mabilis, ligtas at murang serbisyo ng internet sa bansa.
Sinabi ng senadora sa kanyang pahayag hinggil sa bagay na naturan, “naging pangangailangan na ang internet katulad ng kuryente at tubig. Umaasa tayo dito para sa kalusugan, edukasyon, negosyo, pamamahala at marami pang iba at dapat mapanatili ng ating service providers ang katanggap-tanggap na bilis ng internet para mapalakas ang koneksyon ng iba’t ibang sektor dito at matulungan ang mga tao”.
Batay sa nilalaman ng “Better Internet” bill ni Poe, nakatakdang atasan ng National Telecommunications Commission (NTC) yaong mga public telecommunications entities (PTEs) at ISPs upangmas lalo pang palawakin ang sakop ng kanilang serbisyo sa fixed and mobile internet sa lahat ng mga lugar na hindi pa naseserbisyuhan o mababa ang serbisyo sa loob ng 3 taon mula na maging epektibo ang batas.
Kasabay din nito ang paghimok sa mga public telecommunication entities at internet service providers na magkaloob ng mas as mataas na internet speed at magbigayng minimum standard ng bilis ng koneksyon sa kanilang mga subscriber.
Sakaling maging ganap na batas, bibigyan ang mga Telcos at ISPs ng tatlong taon bilang katiyakan na hindi bababa sa minimum required download speed ang ipagkakaloob nito sa kanilang mga end-users.
Isinasaad sa mandato ng National Telecommunications Commission (NTC), kailangang matiyak na tatalima ang mga service providers sa kinakailangang bilis ng internet, kalidad upang lalo pang maaasahan ito na matutupad kaaakibat ang iba pang mga obligasyon.
Ang hindi makakasunod sa itinakdang internet service standards ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P200,000 at hindi hihigit sa P2 milyon sa bawat paglabag.
Kung ang taunang gross income ng isang service provider ay hindi bababa sa P10 milyon, ang multa ay nasa 1 porsyento hanggang 2 porsyento ng taunang gross income.
Matatandaang sinuportahan noon ni Sen. Poe ang pagsasama ng karampatang probisyon sa “Bayanihan to Recover as One Act” na nagresulta sa mas mabilis na pagtatayo at paglalagay ng connection framework sa bansa, bukod pa sa paghiling nito sa dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na atasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na tanggalin ang lahat ng hadlang upang mapabilis ang pag-apruba sa mga konstruksyon ng imprastraktura ng mga Telco para mas mapahusay ang internet access sa bansa.
Discussion about this post