Isang 69-anyos na pasahero ang naging biktima ng umano’y “tanimbala” modus sa NAIA Terminal 3 noong Marso 6, 2025, bago ang kanyang flight patungong Vietnam. Sa kabila ng kanilang pagdating ng maaga sa paliparan, inabot sila ng matagal sa immigration at kinailangang magmadaling pumunta sa boarding gate. Ngunit bago pa sila makasakay, isang babaeng security personnel ang lumapit at nagsabing may “anting-anting” sa kanyang bagahe—na kalaunan ay tinawag nilang “basyo ng bala.”
Nagulat at nagduda ang pasahero sa alegasyon, lalo na’t hindi niya alam kung ano ang sinasabing “basyo.” Sinubukan nilang ipaliwanag na wala silang dalang anumang bawal at handa nilang ipabukas ang bag sa boarding gate, ngunit iginiit ng mga tauhan ng seguridad na sumama siya sa ibang lugar para doon ito inspeksyunin. Dahil konting minuto na lang bago umalis ang eroplano, tumanggi ang pamilya ng pasahero at iginiit na kung may kailangang inspeksyunin, gawin na ito sa kasalukuyang kinalalagyan nila.
Nagtagal pa ang usapan dahil umano’y hinihintay pa raw ang supervisor. Ngunit nang dumating ito, nagkaroon ng hindi tugmang pahayag ang mga tauhan ng NAIA. Una, sinabi ng babaeng security na nasa maleta ang “basyo,” pero ang supervisor ay biglang nagsabi na nasa handbag ito. Sa kabila ng pagpapakita ng kanilang bag at laman nito, walang nakitang anuman.
Matapos ang abala, walang kahit isang security personnel ang humingi ng paumanhin sa pasahero. Sa halip, sila pa ang mabilis na nagtalikuran at tinakpan ang kanilang name tags nang malamang nakukuhanan sila ng video.
Dahil sa insidente, labis na nerbyos at stress ang dinanas ng pasahero, dahilan upang tumaas ang kanyang presyon. Hanggang ngayon, patuloy siyang naaapektuhan ng nangyari. Labis ang kanyang pagkadismaya dahil inakala niyang wala na ang ganitong modus sa NAIA.
Sa kabila ng pangyayari, hindi pinabayaan ng mga crew ng Cebu Pacific ang pasahero at sinigurong maayos ang kanyang kalagayan hanggang sa makarating sila sa Vietnam.
Ngayon, nananawagan ang pasahero na bigyang aksiyon ang insidenteng ito upang hindi na ito maulit sa iba pang biyahero, lalo na sa mga senior citizen na kagaya niya.
Discussion about this post