Pormal nang nanumpa ang bagong pinuno ng Naval Forces West (NFW) sa isang Change of Command Ceremony na isinagawa noong Enero 6, 2025, sa Naval Station Apolinario Jalandoon, Puerto Princesa City, Palawan. Pinangunahan ito ni Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Q. Ezpeleta, ang Flag Officer In Command ng Philippine Navy.
Matapos ang dalawang (2) taon at walong ( buwang panunungkulan, pormal nang bumitiw sa tungkulin si Rear Admiral Alan M. Javier bilang Komandante ng NFW. Siya ngayon ang magsisilbing bagong Chief of Naval Staff ng Philippine Navy.
Si Commodore Vincent J. Sibala, dating Komandante ng Littoral Combat Force ng Philippine Fleet, ang itinalaga bilang ika-40 Komandante ng NFW, na kinikilala bilang “Tahanan ng Defenders of the Western Frontier.”
Sa kanyang pamamaalam, pinasalamatan ni Rear Admiral Javier ang mga opisyal, tauhan, at sibilyang kawani ng NFW sa kanilang dedikasyon at suporta sa panahon ng kanyang liderato. Buo ang kanyang tiwala na maipagpapatuloy ni Commodore Sibala ang tagumpay ng NFW sa ilalim ng bago nitong pamumuno.
Samantala, ipinahayag ni Commodore Sibala ang kanyang pasasalamat sa tiwala ng Philippine Navy. Aniya, “Utang natin ang kalayaan sa West Philippine Sea sa tapang at sakripisyo ng ating mga sundalo sa mga okupadong isla. Sisiguraduhin ko na ang bawat aksyon ng NFW ay magpapakita ng propesyonalismo, disiplina, at kahusayan.”
Dagdag pa niya, “Bagamat limitado ang ating mga resources, kailangan nating maging malikhain at makabago upang mapanatili ang ating presensya sa mga pinag-aagawang karagatan. Higit sa lahat, ang ating misyon ay mananatiling nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan.”
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Vice Admiral Ezpeleta, “Buong kumpiyansa akong ipagpapatuloy mo ang pamumuno ng NFW nang may integridad. Sa ilalim ng iyong pamamahala, inaasahan kong patuloy na magtatagumpay ang NAVFORWEST sa pagtugon sa mga hamon ng seguridad sa karagatan.”
Discussion about this post