Planong isulong ni Senador Raffy Tulfo na madagdagan ang mga imbestigador ng NBI Palawan. Ito ay sa layuning mapabilis ang pag-aksyon ng NBI Palawan sa mga kasong idudulog upang agarang maresulba ang mga kasong nagaganap sa lalawigan. Ipinahayag ng senador ang bagay na ito sa pagsisimula pa lamang ng kanyang programang Wanted sa Radyo, Setyembre 1, 2022, kaugnay ng kanyang patuloy na pagtutok sa isyu ng umano’y pagkawala ng dalagang si Jovelyn Galleno noon pang nakalipas na ika-5 ng Agosto.
“One of these days, aking irerekomenda sa DOJ (Department of Justice) dahil ang NBI ay sa ilalim ng DOJ, na dagdagan ang budget ng NBI, para lumaki ang tanggapan ng NBI sa Palawan,” ani ng Senador.
Ayon pa sa senador, malawak ang lalawigan ng Palawan, nguni’t napag-alaman niyang dalawa lamang ang imbestigador ng NBI Palawan.
“Ang laki- laki ng Palawan, nguni’t dalawa lamang ang agent ng NBI sa Palawan. Paano sila makakapagtrabaho ng maayos, paano magiging epektibo, kung kulang sila ng manpower,” pahayag ng Senador. Hindi umano magiging epektibo ang trabaho ng NBI dahil sa kakulangan nito ng mga kawani.
Dagdag pa ng senador, hindi maitatanggi na mas mataas ang paniniwala ng taumbayan sa kakayahan at kredibilidad ng mga taga National Bureau of Investigation kumpara sa Philippine National Police, kasabay ng pagpasintabi ng lehislador, nguni’t ito umano ang siyang katotohanan.
Nang patapos na ang naturang programa sa radyo ng senador, muli niyang binigyang diin na kailangang bigyang pansin ang isyung naturan sa senado, kasabay na rin ng kanyang gagawing aksyon pabor naman sa Public Attorney’s Office o PAO, dahil sa magkaparehong sitwasyon na malaki ang kakulangan sa dami ng mga nagtatrabaho sa ahensiya, na hindi sapat sa dami ng mga nangangailangan ng serbisyo nito.
Discussion about this post