Kumpirmado ang isang kaso ng Mpox sa lungsod ng Iloilo, ayon sa City Health Office (CHO), matapos na makumpirma ng laboratoryo ang pagkakaroon ng impeksyon sa isang indibidwal nitong Mayo 27, 2025.
Ayon sa inilabas na ulat, ang apektadong indibidwa kasama ang mga nakasalamuha nito l ay kasalukuyang naka-isolate at tumatanggap ng angkop na lunas. Kinumpirma rin ng CHO na nasa stable condition ang mga pasyente.
Habang nananatiling limitado sa isang kumpirmadong kaso ang sitwasyon, tiniyak ng mga lokal na awtoridad na patuloy ang koordinasyon sa mga health institutions upang masiguro ang contact tracing at case identification. Ang mga specimen mula sa mga suspected at probable cases ay ipinapadala na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa pagsusuri.
Wala ring nakitang palatandaan ng malawakang community transmission, at kinumpirma ng CHO na ang pasyente ay walang kamakailang travel history—isang mahalagang salik sa pag-unawa sa posibleng pinagmulan ng impeksyon.
Nagpaabot din ng anunsyo ang lokal na pamahalaan na maglalabas ang CHO ng opisyal na health advisory sa mga susunod na araw. Inaasahang maglalaman ito ng mga detalyadong preventive measures at safety guidelines upang matulungan ang mga residente na maprotektahan ang kanilang sarili laban sa virus.
Habang inaantabayanan pa ang karagdagang detalye, nananatiling alerto ang pamahalaan ng lungsod at patuloy na humihikayat sa publiko na maging mapagmatyag, ngunit kalmado.














