Agad na nagsagawa ang Coast Guard Station Cuyo upang respondihan ang naiulat na nawawalang tao na lulan ng isang bangka pasado 2:00 PM ng ika-13 ng Hulyo, sa nasasakupan ng karagatan San Carlos, Cuyo, Palawan.
Ayon sa mga pasahero ng bangka, ang lalaking nasawi ay ang Chief Engineer ng Ranger 22 Frabelle Fishing Corporation na patungo sana umano sa bayan ng Cuyo.
Base sa imbestigasyon ng PCG Cuyo, dahil sa masamang panahon kanina ay nadadala ng alon ang kanilang sinasakyang bangka patungo sa dalampasigan kung saan dito ay nagdesiyon ang 6 na pasahero ng bangka na tumalon upang hindi umano masira ang propeller at rudder ng kanilang sinasakyan.
Kwento ng mga pasahero ng bangka, sinubukan pa umano ng 3 crew na ihinto ang kanilang sinasakyang upang hindi sumadsad sa dalampasigan.
Ang 4 na pasaherong babae ay bumaba at sumisigaw upang humingi ng tulong, habang nakita pa umano nila ang nasawing Chief Engineer na tumalon pa ng bangka para sumama sa kanila, ngunit wala na rin umano silang nakita na umahon.
Sinubukan pa umanong hanapin ng isang crew ng bangka ang lalaki, ngunit hindi na niya ito nakita.
Ito ay hanggang sa napagdesisyunan na nilang humingi ng tulong mula sa Barangay ng San Carlos, dahilan upang magsagawa na ng Search and Rescue Operation ang PCG Cuyo.
Sa isinagawang operasyon, napagalaman na ay 500 metro lamang ang layo ng bangkay ng Chief Engineer sa dalampasigan.
Samantala, agad na ipinaalam sa Cuyo MDRRMO, Cuyo MPS, at iba pang mga opisina patungkol sa bangkay ng isang lalaki na kanilang natagpuan, agad rin naman itong idinala sa punerarya.
Discussion about this post