Nagtagumpay ang isang biyudang babae na maipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang asawa matapos nitong akitin ang mismong suspek sa krimen at mangalap ng ebidensya upang maaresto ito ng mga awtoridad ng Cordoba, Colombia.
Ayon sa mga awtoridad sa Cordoba, ilang taon umanong nagsaliksik ang biyuda tungkol sa suspek na nangngangalang Ruben Daro Viloria Barrios.
Dagdag nila, si Barrios ay nagsisilbing “ringleader” at “assassinator” ng isang malaking drug cartel sa nasabing lugar. Responsable umano si Barrios sa ilegal na pagpapadala ng droga at cocaine sa Estados Unidos o Central America. Ang suspek ay smuggler din umano ng mga baril at iba pang gamit ng sindikatong kinabibilangan nito.
Anya, nagpapapanggap ang suspek bilang isang negosyanteng sa bayan ng Ciènaga de Oro sa Colombia.
Samantala, ang naturang biyuda, ayon pa rin sa mga awtoridad, ay ilang taong nag-isip ng matinding plano kung paano maipaghihiganti ang pagkakapatay ni Barrios sa kanyang asawa.
Nagawa nitong akitin si Barrios hanggang sa mahalin na ito ng suspek at pagkatiwalaan sa mga sekreto nito tungkol sa kanyang mga ilegal na gawain.
Dito na nga inalerto ng biyuda ang mga awtoridad. Naaresto si Barrios sa bayan ng Monteria sa Colombia kung saan makikipagkita sana ito sa ibang miyembro ng kanilang sindikato. Inaresto ito matapos makatanggap ng tip ang mga kapulisan mula sa nasabing biyuda.
Discussion about this post