Patay ang 64-anyos na si Samson Abayon Sr., pastor sa isang simbahan sa Narra, matapos maaksidente ito dawit ang isa pang motorsiklong minamaneho ni Ryan Demigillio, 28-anyos, pasado 5PM ng Biyernes, Enero 28, sa kahabaan ng Sanpaloc St. Barangay Poblacion ng nasabing bayan.
Ayon sa mga saksing nakakita sa aksidente, paliko umano ng Sampaloc St. galing Estrella Avenue ang nasabing pastor ng mabangga ang nakasalubong. Sa huli nalaman na biglaang inatake ito sa puso at nahilo dahilan upang hindi nito mapansin ang kasalubong niyang motorista na si Demegillo.
Dahil dito, nagtamo ng malulubhang sugat ang parehong motorista at tuloyang nawalan ng malay si Abayon.
Agad namang dumating ang grupo ng alkalde ng bayan na si Mayor Gerandy Danao upang rumesponde sa dalawang motorista.
Ayon kay Lilibeth Poquiz mismong si Danao umano ang humawak at tumihaya sa noo’y nakadapa at walang malay na sa Abayon habang naghihintay ng mga rescuers mula Narra Emergency Response Unit (NERU).
“Kagabi lang din namin nalaman na pastor siya. Inatake po siya habang nag-mamaneho kaya hindi niya napansin ‘yung isang motor at nabangga niya ito. Pagkabagsak niya, nakadapa siya, isa sa mga dahilan kung bakit may dugo sya,” ani Poquiz.
Nang makarating ang mga rescuers ay agad naman nilang sinugod sa lokal na Narra Medicare Hospital ang nasabing biktima na lumabas na nagpositibo rin sa sakit na COVID-19 base sa isinagawang Antigen-Testing.
Hindi nagtagal, sa kasamaang palad, ay tuloyan na ngang binawian ng buhay ang pastor.
Sa ngayon ay gumagawa na ng paraan ang mga kapamilyang naiwan ni Abayon upang maipa-cremate ito.
Naglabas rin ito ng hinaing laban sa isang media outlet na siyang unang nagbalita tungkol sa aksidente. Sa balita, sinabi umano ng reporter na si JayR dela Pena na “tila lango sa alak ang biktima na agad na nilapatan ng paunang lunas ng mga rumespondeng rescuer,” na pinabulaanan ng mga kamapilya ni Abayon.
Ayon sa pamangkin nitong si Jay Hezeil Abayon, hindi umano kailanman sumubok magbisyo ang yumaong tiyuhin kung kaya’t imposible umano ang nilahad ng reporter.
“Inatake siya sa puso habang nagda-drive. Alam niyo naman po ang ibig sabihin ng inatake sa puso. Iba po ‘yung sa lango sa alak. Sana bago kayo nagpost kahit sariling opinion ng nakakita or ninyo isipin niyo ‘yung pamilyang naiwan. Wala po kayong respect. Sorry po sa word. Nasaktan po ang family namin sa ending ng news niyo,” ani Abayon.
Sinagot naman ng nasabing media outlet ang sentemyento ng pamilya at sinabi nito sa mensaheng ipinadala sa Palawan Daily na si Demigillo umano ang nagsabi sa kanilang reporter na tila lango sa alak ang nasawing pastor.
“Ask mo yung Ryan, ‘yung naka-bangga, huwag kami ang interviewhin mo, siya nagsabi ng parang lango sa alak. ’tila lango,’ parang naka inom, ‘yun ang kaniyang obserbasyon,” ayon sa sagot ng Palawan Star.
Discussion about this post