Hinuli ng pulisya ang isang indibidwal sa Sitio Maranlao, Brgy. Teneguiban, El Nido noong Sabado dahil sa ilegal na pagsasabong habang tinatayang 20 “John Does” o di pa kilalang mga indibidwal naman ang nakatakas.
Kinilala ang naaresto na si Arnold Rafols Gacasa, 41 anyos, binata, magsasaka at residente ng Sitio Wasay, Brgy. Teneguiban ng nabanggit na munisipyo.
Sa spot report na ibinahagi ng Palawan PPO, dakong 3:25 pm noong Hulyo 25, 2020 nang magsagawa ng isang anti-illegal gambling operation ang El Nido MPS na nagresulta sa pagkakadakip sa nasabing indibidwal habang nakatakas naman ang ibang tumaya sa sugal.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng ilegal na sabong ang sampung panabong na manok, dalawang patay ng panabong na manok, isang gaff, isang P1,200 na pantaya, assorted snacks at mga sigarilyo, isang kulay puting Honda beat motorcycle, at isang kulay itim na Rusi motorcycle.
Sa ngayon ay nahaharap ang suspek sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602 o ang “Illegal Cockfighting.”
Discussion about this post