Isang binata sa Bayan ng Culion ang nahulihan ng patay na pawikan ng walang kaukulang dokumento.
Ang nahuling violator ay kinilalang si Jonard Dape Aumenta, 18 taong gulang, mangingisda at residente ng Sitio Bacutaw, Brgy. Carabao, Culion, Palawan.
Sa spot report ng PPO, nakasaad na bandang 1 pm kahapon nang tumulak ang joint personnel mula sa Culion MPS sa pangunguna ni PCapt. Dhenies Acosta at Municipal Administrator Maxim Raymundo ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 sa Brgy. Burabod upang i-monitor ang sitwasyon sa ipinatutupad na hard lock down sa kanilang munisipyo. Habang patungo sa lugar ay nasalubong nila ang nasabing indibidwal na angkas ng isang motorsiklo, at may dalang sako at pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak.
Pinahinto umano ng team ang naturang binata at tinanong kung bakit nasa labas sila ng kanilang tahanan. Bumaba naman siya sa sinakyang motor at nang ininspeksiyon ng team ang laman ng dalang sako ay nakita nila ang patay ng pawikan na di pa alam kung anong species. Sa pagbeberipika ay bigong maipresenta ng suspek ang kinakailangang mga dokumento mula sa proper authorities upang maging legal na magkaroon ng ganoong buhay-ilang kaya inaresto siya ng pulisya at dinala sa Culion MPS.
“Nang makita namin, bumaba ‘ yong angkas at parang pinasimplihang itapon ‘ yong sako. At saka [napansin naming] nakainom [siya]. Ang unang sabi niya, nahihilo lang daw pero ‘yong hitsura niya kasi hindi naman ordinaryong pagkahilo , mukhang lasing. Upon verification, inamoy natin, lasing nga. At pag tanong kung ano ang laman ng sako, ang sabi niya isda; nang i-verify, sinabihan naming ‘Pwede ba naming makita?’ Wala rin silang magawa kundi binuksan ang sako at nakita namin ang isang pawikan…na patay na….,” ayon kay PCapt. Acosta sa panayam ng Palawan Daily News.
Sa ngayon ay inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek ukol sa paglabag sa RA 9147 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act” habang Inilibing na ng mga awtoridad ang nasabing pawikan.
Discussion about this post