Dalawang indibidwal ang timbog ng composite team na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Palawan sa ikinasa nilang buy-bust operations sa Baltan St., pasado alas singko kagabi. Kinilala ang mga suspek na sina Joey “Joy” Ocana, 30 anyos, residente ng Baltan St., Purok Pagkakaisa, Brgy. San Miguel at Oliver “Kas” Paguia, 44 anyos at residente naman ng Abad Santos Extension, Brgy. Bagong Silang, pawang sakop ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa impormasyong ibinahagi ng PDEA-Palawan, napag-alamang bandang ika-5:30 ng hapon kahapon, Mayo 31, nang kanilang ikasa, sa pangunguna ni Agent Torres, kasama ang iba pang law enforcement agencies ang buy-bust operation sa Baltan St., Purok Pagkakaisa sa Brgy. San Miguel na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek.
Nakumpiska mula sa kanila ang tatlong paketeng naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang tumitimbang ng humigit-kumulang .04 gramo, isang pakete ng shabu (na pakay ng buy-bust operation), dalawang totoong P100 bill, isang P1,000 boodle money at mga assorted drug paraphernalia.
Sa kasalukuyan ay inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, 12 at 26 (b) ng RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” laban sa mga arestadong indibidwal.
Discussion about this post