Binawian ng buhay ang dalawang drayber ng motorsiklo habang nagtamo naman ng pinsala ang tatlong iba pa matapos magbanggaan dakong 6:00 pm kahapon sa kahabaan ng municipal road ng Sitio Panao, Brgy. Ipilan, Brooke’s Point, Palawan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Diolito A. Dalombe, 22 anyos, binata, magsasaka, at minamanaho ng araw na iyon ang kulay itim na Euro Rapido 110 na motorisiklo, walang driver’s license at wala ring plate number; at Rap Norsen Elvin Padam, 22 taong gulang, magsasaka, binata at residente ng Brgy. Ipilan, Brooke’s Point, Palawan, walang driver’s license, at minamaneho naman ang kulay bughaw na Honda TMX125, na wala ring plate number. Angkas naman ni Dalombe ang dalawang menor-de-edad na mga residente sa kaparehas niyang address habang ang sakay ni Padam ay kinilalang si Jimpol Una Ekled, 22 anyos, binata at magsasaka at nakatira rin sa nasabing address.
Sa spot report ng Palawan PPO, nakasaad na dakong 7:30 pm kahapon, tumawag si Brooke’s Point-MDRRM Officer Rogelyn O. Iranesta sa Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) at iniulat ang insidente. Ayon sa report, binabagtas ng nasabing mga sasakyan ang magkasalungat na direksiyon sa nasabing oras at lugar na kung saan, si Padam ay mula sa barangay proper ng Brgy. Ipilan (norte) at patungo sa Sitio Linao, Brgy. Ipilan (south) nang bigla na lamang umanong may nag-take-over na motorsiklo sa kanyang harapan at kinuha ang right of way ng kabilang direksyon. Nang dahil umano sa naganap ay bumangga ang minamanahong motorsiklo ni Padam sa motorsiklong nag-take-over na minamaneho naman ni Dalombe.
Sinikap pang dalhin ng MDRRMO-Brooke’s Point sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) ang mga biktima upang gamutin ngunit dineklara ng dead on arrival si Dalombe habang si Padam, kalaunan ay inanunsiyo ring binawian na ng buhay ng tuminging doktor. Ang mga angkas naman ng nasabing mga indibidwal ay nagtamo ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at kasalukuyang nagpapagamot.
Itinuturing naman ng PNP na ang insidente ay kaso ng Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide, Physical Injuries and Damages to Property.
Discussion about this post