Patay ang isang Barangay Tanod matapos na mabangga ng isang humaharurot na siklista sa Barangay Isaub, Aborlan, Palawan, noong Disyembre 2, ganap na 9:30 ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Eddie G. Asuque, 53-anyos, at residente sa nasabing bayan habang ang siklista naman ay isang menor de edad.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng isang paligsahan ng mga siklista na tinawag na “Bente Bente” kung saan itinalaga bilang magbabantay ang nasabing biktima.
Nagsimula ang karerahan sa Barangay Irawan sa lungsod ng Puerto Princesa at patungong Barangay Isaub sa Aborlan.
Nang malapit na sa finish line ang siklista ay hindi umano nito napansin si Asuque na nakatayo sa tabi ng kalsada dahilan upang aksidente nitong mabundol ang biktima na nahulog at tumama ang ulo sa semento.
Agad na dinala si Asuque sa Aborlan Medicare Hospital ngunit idineklara ring patay ng sumuring doctor.
Samantala, maaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang siklista sa oras na sampahan ito ng kaso.
Discussion about this post