Naaresto ng mga awotirdad ang isang construction worker sa isinagawang drug buy-bust operation nito lang Hunyo 24, bandang alas-5:30 ng hapon sa Peneyra Road, Barangay Masigla, lungsod ng Puerto Princesa.
Natukoy ang suspek na isang 25-anyos, at residente ng Purok Masigla II, Barangay San Manuel, sa nasabing lungsod.
Ayon sa inilabas na press release ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), nabilhan umano ng isang pakete ng hinihinalang droga ang suspek ng police asset na nagpanggap na buyer. Nadakip naman ito ng pinagsamang operatiba mula sa Station Drug Enforcement Team ng Police Station 1 (PS1) katuwang ang PDEA Palawan Provincial Office, Anti-Crime Task Force, at PDEA MIMAROPA.
Nakumpiska sa suspek ang nabiling pakete na pinaghihinalaang shabu na may timbang na 0.64 gramo at may market value na P2,560 pesos. Nakuha rin ang P1,500 na buy-bust money. Maliban dito, nakumpiskahan din ang suspek ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 0.58 gramo at may market value na P2,320.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Police Station 1 ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.