Napasakamay ng mga awtoridad ang isang 18-anyos na lalaki matapos umanong magnakaw ng cellphone at charger sa Pier Site ng Barangay Buliluyan, Bataraza, Palawan, nitong Hulyo 6, 2025, dakong alas-5:00 ng hapon.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), iniwan umano ng biktima na hindi na pinangalanan ng pulisya ang kanyang cellphone sa isang drum malapit sa isang Coast Guard Vessel upang i-charge. Bandang alas-otso ng gabi ng parehong araw, nakita umano ng biktima ang suspek na kinuha ang cellphone nito.
Sa tulong ng mga opisyal ng Barangay Buliluyan, natunton ang kinaroroonan ng suspek at pasado alas-onse ng gabi ay dito na naaresto ng mga pulisya ang lalaki. Kinumpirma naman ng biktima ang pagkakakilanlan ng nasabing suspek na siyang nagnakaw ng kaniyang gamit.
Narekober mula sa suspek ang ninakaw na gamit ng biktima, kabilang na isang (1) unit ng cellphone na itel A70, Model A665L, kulay dilaw na may brown na rubber case na may disenyo ng Nike, at ang isang (1) set ng white charger. Tinatayang nagkakahalaga ng Php 7,500.00 ang kabuuang gamit na natangay sa biktima. Ang pagbawi at pagproseso ng mga ebidensya ay naidokumento gamit ang Alternative Recording Device (ARD) ni PCpl. Eustaquio.














