Pinangalanan na rin ang apat na pulis, kabilang dito ang dalawang opisyal, na umano’y sangkot sa malagim na insidente ng pamamaril sa Barangay Irawan, lungsod ng Puerto Princesa noong Biyernes Santo kung saan dalawang pulis at isang kawani ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nasawi.
Ayon sa Acting City Police Director ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na si PCol. Dennis De Leon, tinukoy niya ang apat pang sangkot na sina PMaj. Aron Elona, PCMS. Isidro Labrador Jr., PLT Raven Payang, at PSSG. Ronald Ello na dating naka-assign sa Police Station 2.
Ang mga nabanggit na pulis ay sinampahan ng patong-patong na kasong administratibo ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS), kasama sina PCpl. Renato Bendaña at tatlo pa nitong kasamahan na kasalukuyang nasa restrictive custody.
Kabilang sa mga isinampang kaso ang grave misconduct, neglect of duty, irregularity in the performance of duty, at conduct of unbecoming a police officer.
Nauna nang sinabi ni PCapt. Dem Jose Sabbaluca ng PNP-IAS na dahil sa bigat ng mga kasong ito, posibleng mauwi sa pagkakatanggal sa serbisyo ang mga sangkot kung mapatutunayang nagkasala.














