Panghihinayang ang nararamdaman ng mga netizen matapos kumalat ang balita tungkol sa isang Palawan Leopard Cat na natagpuang nag-aagaw buhay at tuluyang namatay malapit sa Tulay ng Matalangao sa bayan ng San Vicente.
Ayon sa kumuha ng larawan na si Rosana Regala, buhay pa ang nasabing hayop nang kanyang makita sa gilid ng kalsada, ngunit dahil sa tinamong pinsala na hinihinalang mula sa pagkasagasa, tuluyan na itong namatay.
Ang Palawan Leopard Cat (Prionailurus bengalensis heaneyi), na kilala sa lokal na tawag na Tamaral, ay isang protektadong species na itinuturing na endangered o nanganganib nang maubos.
Ang mga insidenteng kagaya nito ay nagsisilbing paalala sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga bahagi ng highway na malapit sa mga kagubatan kung saan madalas tumatawid ang mga ilahas na hayop tuwing gabi at madaling araw.
Patuloy naman ang paghimok ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ang sinumang makakakita ng mga sugatang wildlife na huwag itong galawin at agad tumawag sa kanilang hotline para sa mabilis na rescue operation:
PCSDS Central – 095113208791
PCSDS South – 09169546919
PCSDS North – 09125753527
PCSDS Calamian – 09076605619
Ang agarang pag-uulat ay maaaring magbigay ng pagkakataong maisalba pa ang buhay ng mga hayop na kabilang sa yamang-likas ng Palawan. Sa ilalim ng Republic Act 9147, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpinsala sa mga endangered species at may kaakibat itong mabigat na parusa sa batas.